Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na maghaharap ang SMB at Tigers kung saan una silang nagkita sa Governors Cup nang kanilang pag-agawan ang konsolasyong ikatlong puwesto kung saan ang Tigers ang siyang nanalo, 75-63.
Kapwa tumapos ang Beermen at Tigers ng 6-4 win-loss slate sa elimination katabla ang Alaska Aces at FedEx, subalit matapos na gamitan ng quotient system, napasakamay ng Alaska ang No. 3 slot at napunta naman sa SMB ang No. 4 at nalaglag ang Coca-Cola sa No. 5 at No.6 naman ang Express.
Pag-aagawan ng Beermen at Tigers ang ikalawang semis slot sa ganap na alas-7 ng gabi.
Sa labang ito, hawak ng Beermen ang bentaheng twice-to-beat at kailangan lang nilang manalo ng isang beses para mapasakamay ang second slot ng semis, habang dalawang beses naman dapat magwagi ang Tigers upang makasama sa four-team semifinal phase.
Ito ang ika-18th sunod na pagpasok ng Beermen sa quarterfinals.
Upang makasiguro na di na mauulit ang nalasap na 65-74 pagkatalo sa mga kamay ng Sta. Lucia Realtors noong Linggo, ipaparada ng Beermen ang kanilang bagong import na si Terquin Tuva Mott, ang 1999 Commissioners Cup Best Import kapalit ni Art Long.
"We already prepared for the team that will have a twice-to-beat advantage against us sa quarters," pahayag ni coach Chot Reyes ng Tigers. "Siguro lets just see what will happen."
Galing ang Tigers sa impresibong 74-62 pagwawagi laban sa na-patalsik ng Selecta-RP Team at ang mataas na morale na ito ang gagawing inspirasyon ng tropa ni Reyes.
Babalikatin nina Ron Hale, Torraye Braggs, Johnny Abarrientos, Poch Juinio, Freddie Abuda at Leo Avenido ang Tigers na siguradong tatapatan naman nina Mott, Shea Seals, Nic Belasco, Dorian Peña at Boybits Victoria upang ihatid ang Beermen sa semifinals sa ika-14th pagkakataon.
Ang mananalo sa labang ito ang siyang haharap sa naghihintay ng defending champion Batang Red Bull sa best-of-five. (Ulat ni Maribeth Repizo)