Bagamat kagagaling lamang mula sa pakikipaglaban sa trangkaso, dalawang linggo na ang nakakaraan, tumapos pa rin si Candelario ng ikaapat sa heat 2 ng semifinals upang makasama sa eight-man cast na siyang maglalaban-laban para sa medalya.
Nabigo naman ang kanyang teammate na si Jimar Aying na mag-qualify, gayunman, siya ay tumuntong ng ikaapat na puwesto sa slower heat 1.
Nagtala ang 25-anyos na si Candelario ng tiyempong 46.98 segundo para sa ika-anim na rankings ng mga finalists na pinangunahan ng Saudi Arabian na si Al Bishi Hamdan (45.82). Si Aying ay nagposte ng oras na 49.50.
Tumapos naman sina marathoners Allan Ballester at Roy Vence ng 7th at 18th placers, ayon sa pagkakasunod sa 10,000m kung saan 15 ang kalahok.
Naorasan si Ballester ang kasalukuyang Milo marathon champion ng 31 minutos at 18.30 segundo, habang si Vence, Southeast Asian Games titlist ay mayroong isinumiteng 32:06.87 sa event na dinomina ng Qatari Hashim Ahamed Ibrahim (30:31.5) at Abamed A Majud (30:33.5).
Bukod kay Candelario, ang iba pang Filipino na magtatangka sa medalya ay sina Narcisa Atienza (high jump), Marestella Torres (pole vault at long jump) at Lerma Bulauitan-Gabito (long jump).
Sisikapin naman ni Jobert Delicano na mag-qualify sa long jump at sa 1,500m naman si John Lozada.
Umarangkada na ang powerhouse China sa medal standings sa kanilang pagsungkit ng dalawang ginto mula sa hammer thrower na sina Gu Yuan at discuss thrower La Yanling.
Nilinis ni Yuan ang 71.10m nang kanyang imarka ang bagong meet record na 86m na kanyang ipinoste sa Fukuoka noong 1996 at ang Asian Continental record na 68.06 na kinamada ng kababayang si Ying Hui Lin sa Shanghai noong nakaraang Mayo.