Kampanya ng UST at FEU malinis pa rin

Nagpamalas ng mahusay na performance ang Santo Tomas at Far Eastern University sa volleyball game nang panatilihing malinis ang kanilang kampanya, habang bubuksan naman ng De La Salle ang kanilang kampanya sa pagpapanatili ng titulo sa chess sa 65th UAAP season.

Kinailangan ng UST na makipagtagisan ng lakas sa University of the Philippines sa isang klasikong 108 minuto sa limang set na labanan bago nila naiposte ang 26-24, 25-21, 19-25, 20-25, 15-9 panalo sa UP College Human Kinetics gym sa Diliman upang ilista ang kanilang ikaapat na sunod na panalo na siyang nagluklok sa kanila sa solong pangunguna sa men’s division.

Sa kabilang dako naman, pinayukod naman ng FEU ang Adamson University, 25-17, 25-7, 25-17 upang makopo rin ang solong liderato sa women’s side.

Bumagsak ang UP sa pakikipagtabla sa ikalawang puwesto sanhi ng kanilang 3-1 record ng FEU at kasalukuyang kampeong De La Salle na naglista rin ng impresibong tagumpay noong Huwebes.

Nangailangan ang FEU ng isang oras at 35 minutos para idispatsa ang National University, 25-19, 23-25, 24-26, 25-17, 15-8, habang magaan namang namayani ang De La Salle sa University of the East, 25-18, 25-23, 25-19 sa loob lamang ng 52 minutos.

Ipinalasap ng Adamson ang ikaapat na sunod na pagkatalo ng Ateneo, 25-18, 25-20, 25-18 upang makasosyo ang UE at NU sa ikaapat na puwesto sa 3-1 kartada.

Show comments