Eksplosibong paglalaro ang ipinamalas ni Seals na tumapos ng 33 puntos bukod pa sa kanyang tiglimang assists para sa ikaapat na sunod na tagumpay ng Beermen, ikaanim sa kabuuang 9 na laro.
Naging mainit din si Long lalo na nang makabalik ito sa ikaapat na quarter, sanhi ng maagang pagkaka-foul sa ikatlong canto, sa kanyang tinapos na 22 puntos na lalong nagpahirap sa Talk N Text.
Dahil dito, nalasap ng Phone Pals ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan, ikalima sa 9 laro na naging dahilan ng kanilang pagkakatalsik sa kontensiyon sa twice-to-beat ticket na ipagka-kaloob sa top four teams.
Sa no-bearing na unang laro, ginulantang ng Purefoods TJ Hotdogs ang defending champion at league leader na Batang Red Bull sa pamamagitan ng impresibong 91-84 panalo.
Samantala, pagpopormalisa ng pagpasok sa quarterfinals ang layunin ng Sta. Lucia at Alaska sa kanilang magkahiwalay na asignatura ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Araneta Coliseum.
Makakaharap ng Aces ang RP-Selecta na naghahabol sa susunod na round sa pambungad na laban sa ganap na alas-3:45 ng hapon, habang makakasagupa naman ng Realtors ang Shell Velocity sa dakong alas-5:45 ng hapon.
Nabalewala ang 28 produksiyon ni Jerald Honeycutt para sa Phone Pals. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)