Nakasiguro ng playoff para sa huling quarterfinals berth ang Express matapos itala ang ikaapat na panalo sa 8 laro at isang panalo na lamang ang kanilang kailangan upang makasulong sa susunod na round.
Nagbalik ang dating porma ni Vergel Meneses na umiskor ng maha-halagang pitong puntos sa kanyang tinapos na 13 sa endgame upang ipalasap sa Realtors ang kanilang ikatlong pagkatalo sa 8 laro.
Dalawang puntos lamang ang bentahe ng FedEx, 78-76, ngunit nagsanib ng puwersa sina Meneses at import Frantz Pierre-Louis upang makalayo ang Express sa 90-85 patungo sa 13 segundo na lamang ang nalalabing oras sa labanan.
Inalat ang Sta. Lucia sa kanilang tatlong krusiyal na pagtatangka sa triple area na siyang tuluyang nagkaloob sa FedEx ng tagumpay na pumutol naman sa four game winning streak ng Realtors.
Pinangunahan ni Pierre-Louis ang FedEx sa paghakot ng 31 puntos, bukod pa sa kanyang 11 rebounds kasunod si Jermaine Walker na may 26 puntos, habang nasayang naman ang eksplosibong laro ng trio na sina Chris Clay, Stephen Howard at Marlou Aquino na may pinagsamang 73 puntos.
Samantala, magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa Cuneta Astrodome kung saan maghaharap ang defending champion Batang Red Bull at kulelat na Purefoods TJ Hotdogs sa alas-3:45 ng hapon na susundan naman ng engkuwentro ng Talk N Text at San Miguel Beer sa dakong alas-5:45 ng hapon.
Hangad ng Purefoods (1-7) na panatilihing buhay ang kanilang ga-hiblang tsansang makapasok sa 8-team quarterfinals laban sa Thunder na kasalukuyang nakakasiguro na ng twice-to-beat ticket na ipinagkakaloob sa top four teams.
Makalapit naman sa top four ang layunin ng SMBeer (5-3) kontra sa Phone Pals na hangad namang makasiguro ng slot sa quarterfinals.