Isa-isa nang inimbitahan ng PBA ang mga tv stations na kinabibilangan ng ABS-CBN, Channel 9, National Broadcasting Network 4 at Viva Vintage.
Dahil ang Viva Vintage ang kasalukuyang carrier station ng liga, sila ang unang kinausap ng PBA noong nakaraang linggo upang tignan kung anong bagong maiaalok ng naturang network.
"We had initial meeting with Viva Vintage last week," pahayag ni PBA Commissioner Jun Bernardino na panauhin sa PSA Forum kahapon na lingguhang ginaganap sa Holiday Inn.
"But we also invited other tv stations to discuss with them their plans with us," sabi pa ni Bernardino na nasa kanyang ika-siyam at huling termino sa liga matapos magpahayag ng kanyang pagreretiro.
Kabilang sa inimbitahan ay ang Channel 7 ngunit ipinaabot na nila ang kanilang hindi pakikibahagi sa bidding.
Matatandaang kinuwestiyon ng Channel 7 ang pagkakaloob ng PBA sa Viva Vintage ng tv right sa bidding na ginanap, dalawang taon na ang nakakaraan.
Ayon kay Bernardino, nakatakda nilang kausapin sa linggong ito ang NBN-4 at isusunod na ang Channel 2 at ang ABC-5.
Ukol naman sa mid season draft para sa mga manlalaro ng Metropolitan Basketball Association, sinabi ni Bernardino na hindi siya pabor dito kung siya ang tatanungin.
"Its difficult to hold a draft at this moment." pahayag ni Bernardino ukol sa usaping ito na naging paksa ng board meeting kamakalawa kasabay ng pagtanggap ng board ng kanyang pagreretiro.
Ayon kay Bernardino, bagamat makakatulong ang PBA sa mga player na nawalan ng trabaho, maaapektuhan naman ang mga manlalaro mula sa PBA.
Tinitingnan din ni Bernardino ang maaaring maging komplikasyon pa-ra sa mga koponan kung kukuha ng players ang mga PBA teams mula sa MBA dahil hindi malinaw kung tuluyan nang magsasara ang MBA.
Maaalalang kasabay ng pagkakansela ng MBA ng mga natitirang laro sa kanilang kasalukuyang torneo, ay sinabi rin nilang nakatakda silang magbukas ng panibagong liga sa susunod na taon.
"Baka magkaroon ng problema sa mga kontrata ng players na kukunin ng PBA team from MBA if ever na habulin nila ang mga ito," ani Bernardino.