Pinasimulan ni city councilor Melvin Abela kasama si Arnaldo Boulevard malapit sa City Plaza sa eksaktong alas-6 ng umaga ang karera na dinomina ng tubong Iloilo City na si Adonis Lubaton ang mens division, habang ang homegrown-talent na si Marigen Campos naman ang siyang nag-reyna sa mga kababaihan.
Gumawa ng malaking hakbang ang 24-anyos na si Lubaton sa huling 4 na kilometro ng 20K qualifying run at kumawala sa mga nangu-ngunang sina Neri Barcelo sa huling 2.5 kilometro matapos na ang huli ay manakit ang kanyang sikmura.
Tinawid ni Lubaton, dating walkathoner mula sa University of San Agustin sa Iloilo City ang finish line sa tiyempong 1:09:39 upang pangunahan ang rehiyon sa pagkatawan sa national finals sa Manila ng 26th Milo Marathon na suportado ngayong taon ng Bayview Park Hotel, Adidas, Cebu Pacific, Ford Phils., at Department of Tourism.
Nakuntento naman sa ikalawang puwesto si Barcelo sa tiyempong 1:10:08 at tumersera ang Army man na si Roldan Alcayaga, 27-anyos mula sa Cabatuan, Iloilo nang magtala ng 1:13:15.
Dahil sa kanyang edad, napasakamay lamang ng 15-gulang na si Campos ang premyong P10,000 pero hindi ang biyahe patungong Manila. Si Campos ay naorosan sa bilis na 1:26:59.
Pumangalawa ang 18-anyos na si Elma Vega na siyang nakakuha ng slot para sa national finals matapos na magsumite ng bilis na 1:33:37.