Hindi naman eye-popping ang mga numero ni Clay kumpara sa mga numero ni Farley. Sa dalawang laro, si Clay ay nag-average ng 12.5 puntos, 2.5 rebounds, 4.5 assists, isang steal at 2.5 errors sa 38.5 minuto. Sa tatlong laro, si Farley ay nag-average naman ng 20.33 puntos, limang rebounds, 4.33 assists, 1.67 steals at 2.67 errors sa 38.67 minuto.
Makikitang mas maganda ang numero ni Farley kaysa kay Clay. Pero minsan lang nagwagi ang Sta. Lucia sa tatlong laro ni Farley at itoy laban sa Purefoods Tender Juicy Hotdogs na tinambakan nila sa kanilang unang game, 90-75. Pagkatapos niyon ay natalo sila sa Talk N Text, 83-71 at Batang Red Bull, 66-62.
At kaya naman natalo nang dalawang sunod ang Realtors ay dahil sa binaltik itong si Farley at tila hindi siya makasundo hindi lang ng coaching staff kundi pati nang kanyang mga kakampi.
Puwes, kahit na maganda ang numero niya at maganda ang credentials niya dahil sa siya nga ang ikalawang leading scorer ng Australian NBL, nasibak si Farley at hindi na tumingin pa sa Estados Unidos o kung saan ang Realtors para humanap ng kapalit.
Naging available si Clay na pumayag maglaro bilang import sa PBA dahil hindi diumano siya sumusuweldo sa MBA.
Pero siyempre, shocked ang mga sumusubaybay sa PBA sa nangyaring ito. Kasi ngay kandidato si Clay sa Philippine Team para sa Busan Asian Games. Kung nakakuha siya ng certificate of confirmation buhat sa Department of Justice, abay malamang na isinama siya ni National coach Joseph Uichico sa 15-man squad ng Selecta Ice Cream na kasalukuyang naglalaro sa Commissioners Cup.
Ano ba iyan?
May dugong Pinoy ba si Clay o wala?
Siguro naman, sa paglalaro niya bilang import ng Sta. Lucia ay nasagot na ang katanungang iyan.
Pero hindi rin natin masasabing tapos na ang kabanatang iyan, eh. Puwedeng pagkatapos ng Commissioners Cup ay pagpursigihan pa rin ni Clay ang pagkuha ng certificate of confirmation buhat sa DOJ para naman makalahok siya sa PBA Draft sa isang taon.
Kasi nga, tila ang kasunduan ng Sta. Lucia at Pangasinan ay babalik sa poder ng Waves si Clay pagkatapos ng Commissioners Cup. Hindi puwedeng mapunta sa ibang MBA team si Clay. Tatapusin niya ang season na ito bago magdesisyon kung ano ang gagawin niya sa kanyang career.
Kapag hindi siya nakakuha ng kaukulang papeles sa DOJ hanggang sa Enero, balik US na lang siya at malamang na tapos na ang kanyang career dito sa Pilipinas. Unless na kunin siya ulit bilang import ng Realtors sa isang taon.
Magulo di po ba?