Milo Marathons tutungo naman sa Roxas City

Sariwa pa sa matagumpay na kick-off leg sa Davao City na humakot ng malaking bilang ng runners na lumahok, dadayuhin naman ng 26th Milo Marathon ang Western Visayas sa susunod na Linggo, Hulyo 21 kung saan idaraos ang second regional race sa Roxas City sa Capiz sa island ng Panay.

Suportado ngayong taon ng Adidas, Cebu Pacific, Bayview Park Hotel, Ford Phils., at ng Department of Tourism, inaasahang hahakot ng atensiyon ang Milo marathon na magtatampok sa mga natural attractions ng bansa ng mahigit sa 3,000 runners na lalahok sa 20K distance run na magsisilbing qualifying run para sa Dec. 8 National Milo Maraton finals sa Manila.

Nangako rin si Milo sports executive Jackby Jaime na kanyang dadalhin ang mga movie at tv personalities na sina Jake Roxas at Sarah Christophers upang mas higit na pasayahin ang nasabing event.

Ang top three finishers sa women’s at men’s divisions sa 20K qualifying race ang makakasama ng mga nauna ng qualifiers mula sa Davao race at sa iba pang regional elimination runs sa Milo Marathon National finals na nakatakda sa Dec. 8 sa Metro Manila, bukod pa sa tatanggap sila ng P10,000, P6,000 at P4,000, ayon sa pagkakasunod.

Show comments