Bagamat may nagkainitan sa larong ito, umiwas sa isa na namang pagmumulta ang Thunder upang maging malinis ang kanilang paglilista ng ikalimang panalo sa 6-laro at solohin ang pangkala-hatang pamumuno.
Matapos magmulta ang buong team ng P220,000 bunga ng bench clearing incident sa kanilang nakaraang tagumpay kontra sa San Miguel Beer, hindi hinayaan ng Red Bull na magtuluy-tuloy ang pagkakainitan nina Lordy Tugade at Coca-Cola import Bryant Basemore sa ikalawang quarter.
Pagkatapos ipasok ang isang layup, tinamaan ni Tugade sa kanyang pag-atras si Basemore na gumanti naman sa pamamagitan ng paniniko sa una.
Mabilis na inawat ang dalawa at pinatawan ng unsportsmanlike foul si Basemore.
Humarurot ang Red Bull sa pangunguna ni import Tony Lang, ang pinakamalaking multa na P50,000, na umiskor ng 11 sa kanyang 27 puntos sa ikalawang quarter upang kunin ng Thunder ang 43-32 bentahe sa halftime.
Ipinagpatuloy ng Thunder ang kanilang pananalasa sa ikatlong quarter kung saan kanilang nalimitahan sa 6-puntos ang Tigers kasa-bay ng paghakot ng 18-puntos sa pangunguna nina Lang at Davonn Harp upang palobohin ang kanilang kalamangan sa 61-38 papasok sa final canto.
Sapat na ang kalamangang ito upang ipalasap ang ikalawang pag-katalo sa anim na laro sa Tigers na nagsagawa ng malaking paghahabol sa ikaapat na quarter sa pangunguna ni Basemore na sapat lamang para maibaba ang kalamangan ng Thunder sa 12-puntos.
Sa ikalawang laro, nakisosyo sa ikalawang posisyon ang Talk N Text sa Coca-Cola nang pabagsakin nito ang Pure-foods TJ Hotdogs, 109-92. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)