RP-5 may magandang pag-asa sa inaasahang ginto

May magandang tsansa na ang Philippines sa kanilang inaasintang gold medal sa Asian Games na gaganapin sa Busan, South Korea sa Setyembre 29 hanggang Oktubre 14.

Bitbit ang suwerte maganda ang naging grouping ng basketball event kung saan nakasama natin ang United Arab Emirates at India sa Group C.

Gayunpaman, hindi puwedeng maliitin ang kakayahan ng mga ka-grupo lalo na ang India, na nakarating sa quarterfinals ng ABC Men’s championships sa Shanghai noong nakaraang taon.

Maging ang UAE, na hawak ng Amerikanong coach na si Bruce Wilson, ay hindi magiging madaling kalaban dahil isang puntos lamang itong natalo sa lumalakas na Lebanon sa naturang torneo.

At dahil sa magaan na groupings, may pag-asa ang Pilipinas na makarating sa quarterfinals ng Asian Games kung saan ang top two teams ay aakyat sa semis.

May kabigatan naman ang Group B kung saan magkakasama ang host Korea, Japan at Mongolia, habang nasa Group A ang defending champion at powerhouse China, Lebanon at Hong Kong, habang sa Group D naman ang Kuwait, Kazakhstan, Chinese-Taipei at Qatar.

Gayunpaman, mabigat na hamon pa rin ang haharapin ng Nationals na binubuo ng mga mahuhusay na Fil-Am cagers sa bansa dahil sa obserbasyon ng marami ay kulang sa shooter.

Bagamat bahagyang nakakalamang ang Pinas sa groupings, matinik na daan pa rin ang nakaharang sa kanilang pag-asinta sa gintong medalya dahil kailangang dumaan muna sa kamay ng malalakas na China, Japan, Korea at Chinese-Taipei. (Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments