Hindi Lahat Ng Kulelat...

SA pagkatalong sinapit ng Batang Red Bull sa kamay ng dating nangungulelat na Shell Velocity noong Sabado’y wala nang koponang makapagmamalaki na mayroon itong malinis na kartada sa Samsung-PBA Commissioners Cup.

Sa tutoo lang, llamadong-llamado ang Thunder noong Sabado dahil nga sa may 3-0 record ito kumpara sa 0-3 ng Turbo Chargers. Mataas na mataas ang morale ng Thunder na siyang nagtatanggol na kampeon sa torneo.

Pero ‘yun na nga ang nakakatakot sa ganitong sitwasyon, eh. Iyon ang pinangangambahan ng mga koponang llamado. Baka masilat sila!

Sa tutoo lang, ganyan din ang naramdaman ni Mapua tech head coach Horacio Lim bago sila naglaban ng Jose Rizal University noong Biyernes.

Llamadong-llamado ang MIT Cardinals dahil sa mas matindi ang line-up nila at galing sila sa panalo sa opening day ng 78th National Collegiate Athletic Association (NCAA). Ang JRU Heavy Bombers naman ay galing sa pagkatalo at dehadong-dehado dahil nga sa nawala ang starting unit ni coach Boy de Vera.

Pero ano ang nangyari? Hayun at nasilat ng JRU ang Mapua Tech. Bukod sa sumama ang record ng MIT, siyempre, kahit paano nahihiya din si Horacio sa nangyaring pagkakasilat sa kanya.

Malamang na ganoon din ang pakiramdam ni Batang Red Bull coach Joseller "Yeng" Guiao. Biruin mong halos lahat ng sumugod sa Araneta Coliseum upang manood ng laro kahit na malakas ang ulan noong Sabado ay naniwalang ang Batang Red Bull ang siyang magwawagi. Kaunti lang ang naniwalang mananalo ng Turbo Chargers. Katunayan, mayroon pa ngang nagsabi na pinapo-postpone pa ni Shell team manager Bobby Villarosa ang laro dahil sa sama ng panahon subalit hindi pumayag ang PBA Commissioner’s Office. Eh kung na-postpone ang laro, eh di hanggang ngayon ay wala pa ring panalo ang Turbo Chargers!

Pero nakapagsimula na nga ang Shell salamat sa magandang performance ng kanilang import na si Sedric Webber na gumawa ng 40 puntos. At salamat din sa mga locals na nag-ambag upang hindi manatili sa hulihan ng standings ang Turbo Chargers.

Maraming nagsabing nagkumpiyansa lang daw ang Thunder. Pero unfair siguro sa mga bata ni coach Perry Ronquillo ang ganyang kaisipan. Kung nagpabaya man ang Thunder, problema nila iyon.

Kahit paano’y may natutuhan din ang Thunder sa pangyayaring iyon. Natutunan nila (ulit) na hindi komo’t kulelat ang isang koponan ay kakayanin na nilang talunin kahit na aling koponan, malakas o mahina ayos a kaisipan, ay ibuhos ng Thunder ang buo nilang lakas. Kundi, baka makahulagpos sa kanilang mga kamay ang koronang nais nilang idepensa.
* * *
BELATED birthday greetings kay Cheska Beltran, panganay na anak nina Nelson at Marissa Beltran, na nagdiwang ng kanyang ikasampung kaarawan noong Hulyo 6.

Gayundin kay Arthur Tanlo ng Paddock’s Jeans na nagdiwang naman noong Hulyo 3.

Show comments