^

PSN Palaro

Bugso Ng Damdamin

FREE THROWS - AC Zaldivar -
MASAKIT din sa bulsa ang P50,000 na multang ipinataw kay Batang Red Bull coach Joseller "Yeng" Guiao dahil sa "panunulot" na ginawa niya kay Marlou Aquino sa pagtatapos ng kanilang laro laban sa Sta. Lucia Realty noong Linggo sa Araneta Coliseum.

Kung ikukumpara iyon sa P20,000 na multang ipinataw naman kay Aquino, aba’y daramdamin din naman talaga ni Guiao iyon.

Sa tutoo lang, maraming nagsasabing hindi dapat na pinatulan ni Guiao si Aquino sa sitwasyong iyon. Nagkainitan sina Aquino at Red Bull import Antonio Lang sa laro. Nagkapikunan. Puwes, bahagi iyon ng laro at hindi maiiwasan. Contact sport kasi ang basketball, eh. At siyempre, kung minsan istratehiya din naman yung pikunin ang kalaban, lalo’t import ito, at nang mawala ang konsentrasyon nito sa laro. Alam din naman ni Guiao iyon.

Ang nakalulungkot kasi’y tapos na ang laro’y nagsisigawan pa sina Guiao at Aquino. Hindi na bahagi ng laro iyon. Dapat ay kinalimutan na nila ang nangyari sa hardcourt at nagkamayan na lamang.

Mas masaklap pa rito ay kung babalikan ang history ng Batang Red Bull sa PBA. Hindi ba’t nang tanggapin ng PBA ang Red Bull bilang ikasampung miyembro ng liga noong 2000 ay kinursunada nito si Aquino?

Magugunitang bago nagsimula ang 2000 PBA season ay ipinamigay ng Barangay Ginebra si Aquino sa Sta. Lucia Realty kapalit ni Zandro Limpot, Jr. Tila ayaw ni Aquino na maglaro sa Realtors kung kaya’t napakatagal bago ito pumirma ng kontrata.

Katunayan, hindi nga ito pumirma ng kontrata sa Sta. Lucia at sa halip ay pinirmahan nito ang offer sheet na inialok ng Batang Red Bull. Bale one year ang nakasaad sa offer sheet at sandamakmak na magagandang bonus schemes ang nakapaloob dito.

Noon ay sinabi ni Guiao na kailangan nila ang isang manlalarong tulad ni Marlou at magiging masaya siya kung masusungkit nga nila ito sa Realtors.

Pero siyempre, hindi pumayag ang Sta. Lucia na basta makaalpas sa kanila si Marlou. Pinantayan ng Realtors ang offer sheet kung kaya’t tuluyang nakapaglaro sa Sta. Lucia ang 6’9 cager na tinaguriang "The Skyscraper." Nang lumaon ay nagustuhan na ni Marlou sa Sta. Lucia kung kaya’t nang mapaso ang kanyang kontrata noong Disyembre 2000 ay pumayag ito sa isang five-year extension.

Natabunan na ng init ng sitwasyon noong Linggo ang kabanatang ito sa buhay nina Guiao at Aquino. Para bang sinunog na nila ang tulay ng nakaraan at kinalimutang minsan ay muntik na silang magkasama sa iisang koponan.

Ewan ko, pero siguro kahit paano’y nahimasmasan na sina Guiao at Aquino hindi dahil sa mga multang ipinataw sa kanila ni Commissioner Emilio Bernardino, Jr.

Siguro nga, kahit na hindi sila pinagmulta, baka matapos matulog noong Linggo ng gabi’y naisip na rin nilang mali ang kanilang ginawa.

Nagkahiyaan na lang, eh.

vuukle comment

ANTONIO LANG

AQUINO

ARANETA COLISEUM

BATANG RED BULL

GUIAO

LINGGO

LUCIA REALTY

MARLOU

RED BULL

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with