Nakatakdang sagupain ngayon ng Thunder ang kulelat na Shell Velocity bilang main game ng dalawang larong nakatakda ngayon sa Araneta Coliseum.
Dakong alas-5:45 ng hapon magkikita ang Shell Velocity at Thunder pagkatapos ng engkuwentro ng Talk N Text Phone Pals at Barangay Ginebra sa ganap na alas-3:45.
Matapos makipag-girian kay Marlou Aquino sa kanilang nakaraang panalo kontra sa Sta. Lucia Realty, 66-62 noong Linggo sa Big Dome, pinatawan ng malaking multa si Guiao.
Si Aquino ay pinagmulta ng P20,000 habang si Red Bull import Antonio Lang na siyang unang nakainitan ni Aquino sa court ay na-fine naman ng P10,000.
Inaasahang muling babandera sina Lang at Julius Nwosu upang mai-preserba ang kanilang malinis na record na 3-0 na kasalukuyang nagpapakapit sa kanila sa solong liderato.
Kung nasa tuktok ng standing ang Thunder, kabaligtaran naman ito sa katayuan ng Turbo Chargers na siyang nasa kulelat na puwesto bunga ng kanilang pagkabokya sa tatlong sunod na laban.
Maganda ang naging debut ni Johnny Jackson na pumalit sa na-injured na si Askia Jones sa kanyang 21-puntos, ngunit masama naman ang naging field goal shooting ng Turbo Chargers lalo na si Sedric Webber na nalimitahan sa 4-of-13.
Hangad naman ng Phone Pals na makabawi sa kanilang nalasap na kabiguan kontra sa RP Team-Selecta, 77-76 noong Martes na kanilang unang pagkatalo matapos ang tatlong dikit na tagumpay.
Ang panalo ng Phone Pals na kasalukuyang nakikisosyo sa Coca-Cola Tigers sa 3-1 record ang magkakaloob sa kanila ng solong ikalawang puwesto at kung magkakataon ay makikisalo ito sa pamumuno kung aalatin ang Red Bull sa ikalawang laro.
Pagsisikapan naman ng Ginebra na maibaon sa limot sa kanilang 65-70 kabiguan kontra sa kanilang kapatid na kumpanyang Coca-Cola.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang magkapatid na kumpanyang SMB at Purefoods TJ Hotdogs sa out-of-town ng PBA sa Iloilo City.