Ang magtatagumpay sa main game ng seniors division na sisimulan sa dakong alas-4 ng hapon ang siyang aangkin ng pansamantalang solong liderato matapos mapaghiwalay ang puti at de kolor sa walong koponang naglalaban-laban sa ika-78th season ng torneong ito.
Kabilang sa mga koponang naging matingkad sa kanilang unang asignatura ay ang Mapua Institute of Technology, Colegio de San Juan de Letran, ang CSB Blazers at SSC Stags na pare-parehong may 1-0 kartada.
Namantsahan naman ang Philippine Christian University, San Beda College, Jose Rizal University at University of Perpetual Help Rizal sa kanilang debut game sanhi ng kanilang pare-parehong 0-1 karta.
Unang biktima ng San Sebastian ang UPHR Altas noong opening day, 74-65 habang pinasadsad rin ng CSB Blazers ang JRU Heavy Bombers, 82-67.
Ang magandang simulang ito ang hangad ng Baste at St. Benilde na masundan ang kanilang unang panalo ngayon.
Sa unang seniors game, dakong ala-una ng hapon, mag-aagawan naman sa buwenamanong panalo ang SBC Red Lions at Perpetual matapos mabigo sa kani-kanilang unang laban noong Sabado.
Walang iba kundi sina Nurjamjam Alfad, Christian Coronel at ang Phil-Am na si Pep Moore ang aasahan ni San Sebastian coach Turo Valenzona habang sina Sunday Salvacion, Loreto Soriano, Joaquin Te at Jan Coching naman ang babandera para sa Blazers.
Inaasahang magiging mahigpit ang paghaharap ng dalawang koponan na ito at kung ikukumpara ang kani-kanilang naging performance sa opening day, siguradong sa breaks lamang sila magkakatalo.
"Maganda ang naging simula ng mga bata, nasa kundisyon. Mahirap ng pigilan yan kapag ganyan ang ipinakitang determinasyon ng mga yan," ani Valenzona sa laro ng kanyang mga bataan.
Masaklap na kapalaran ang tinanggap ng Red Lions mula sa mga kamay ng Letran Knights, 64-69 noon ding opening day.
Sa juniors division, bubuksan ng SBC Red Cubs at UPHR Altallets ang aksiyon sa ganap na alas-11:30 ng umaga habang magtatagpo naman ang landas ng SSC Staglets at CSB Junior Blazers sa ikaapat at huling laro sa bandang alas-5:30 ng hapon.
Hangad ng Red Cubs na duplikahin ang 83-76 panalo kontra sa Letran Squires noong Lunes na siya ring layunin ng Staglets matapos ilampaso ang Altalettes, 97-30.
Makabawi naman sa 69-76 pagkatalo ang hangad ng Junior Blazers kontra sa JRU Light Bombers.(Ulat ni Carmela V. Ochoa)