Lumalaban sa Professional Standard sina Andrei Roslovtsev at Anna Coloma. Si Roslovtsev ay isang Ruso na hiyang sa ballet mula nang siyay limang taong gulang pa lamang. Nakapag-asawa siya ng Pilipinang ballerina, at ibinaling ang kanyang atensiyon sa ballroom.
Si Coloma naman ay malayo na rin ang narating sa napakaikling panahon noong katambal niya si Gifor Gavieres (nakababatang kapatid ni dating FEU at Iloilo Megavoltz coach Danny Gavieres) itinatag nila ang bagong sukatan ng mga Pilipino nang magtapos sila sa ika-35 puwesto sa 2001 World Dance and Dance Sports Council World Professional Ten Dance Championship kalaban ang halos 400 pares na pawang may mga dalawampung taong karanasan. Ang nakatapos sa top 25 ay kinikilalang pinakamahusay sa mundo.
Samantala, mayroon silang mga batang kasama. Mahigit isang taon pa lamang nagsasanay sina Eric Yumul, 11 at Eunice Reyes, 8 ng Bulacan, subalit noong Abril ay nakuha nila ang kampeonato sa Junior Standard ng Hong Kong International Dancing 2002 Championship. Ang labanan sa Singapore ay ang kanilang ikalawang pagrepresenta sa Pilipinas.
"Dapat talaga ay buwan-buwan nagpapadala ng apat na pares sa kumpetisyon," paliwanag ni Stan Alexander, isang tanyag na coach sa Australya na nagtatag ng PPDSA. "Pero kailangan naming makaipon ng P500,000 bawat buwan. Sa ngayon, hindi pa kaya."
Kaawa-awa rin naman ang kalagayan ng PPDSA. Nag-eensayo sila sa bubungan ng isang gusali sa Kamias Road kung saan naiinitan silat nasasagap ang usok araw-araw. Wala silang mga sasakyan, kayat humahagilap na lamang ng dyip o taksi, kahit madaling araw na silang matapos sa kani-kanilang mga show. At dahil silay mga professional, malabong mabigyan sila ng tulong ng mga awtoridad tulad ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Subalit patuloy ang kanilang pag-aani ng karangalan para sa bansa, at patuloy ang pangarap na mailagay sa mapa ng mundo ng dance sports ang Pilipinas. Sana lamang ay may umalalay sa kanila.