Cardinals lusot sa Dolphins

Sumandig ang Mapua sa tikas nina Ryan Malig at Roberto Lagar upang ihatid ang Cardinals sa come-from-behind na 74-68 panalo kontra sa Philippine Christian University sa pagbubukas kahapon ng 78th edisyon ng National Collegiate Athletic Association sa Araneta Coliseum.

Umiskor si Malig ng drive upang ibigay sa Mapua ang 65-64 kala-mangan bago sinundan ng dalawang free throws upang ilayo ang bentahe ng Cardinals sa tatlong puntos, 67-64, patungong dalawang minuto ng sagupaan.

Matapos ang ilang palitan ng posesyon, nangibabaw ang lakas ni Lagar ng siya naman ang gumawa ng dalawang sunod na basket matapos ang ilang pagsablay ng Dolphins upang iahon ang Mapua mula sa 19-puntos na pagkakalubog sa first half.

"The pressure was too much on the boys in the first half. And my boys aren’t used to it. The jitters would just not go away," wika ni Mapua coach Horacio Lim kung saan ginamit ng kanyang koponan ang New Jersey Nets philosophy ng team basketball kontra sa koponan na nagbabantang manalo sa pamamagitan ng husay ng isang gunner.

Nauwi sa wala ang pinagpaguran ng Dolphins matapos na mag-paulan ng mga triples nang kapusin sa free throw line kung saan sa huling 2:25 oras ng labanan ay isa lamang ang kanilang naisalpak kontra sa lima ng Mapua.

Ang labanan ay binuksan ng isang simpleng seremonya.

Tila kinabog ang mga dibdib ng Cardinals sa unang bahagi ng laro kung saan sinamantala ni Loreto Soriano na umiskor ng tatlong sunod na triples upang iguhit ang kanyang 15 puntos na produksiyon sa first half matapos na maiwanan ang Cardinals sa 11-30.

Ngunit hindi nagpabaya ang tropa ni coach Horacio at sa pamama-gitan ng trapping defense sa third period, unti-unti nilang naibaba ang pundasyon ng Dolphins matapos na ilagay nila ito sa foul trouble.

Show comments