^

PSN Palaro

Mahirap maghanap ng magaling na Import

FREE THROWS - AC Zaldivar -
GANITUNG-ganito ang pinagdaanan ng Sta. Lucia Realty sa nakalipas na Samsung-PBA Governors Cup.

Kung magugunita’y nagkaroon ng apat na imports ang Realtors at sa kabila ng pagpapalit nila’y kinapos pa rin sila’t hindi nakarating sa semifinal round ng nasabing torneo. Sinimulan nila ang Governors Cup nang ang kanilang imports ay sina Johnny Taylor at Lelan McDougal. Matapos lamang ang isang laro’y nasibak si Taylor at pinalitan siya ni Victor Thomas. Matapos naman ang tatlong laro ay pinauwi si McDougal at kinuha si Mark Davis.

Sayang ang perang ginastos ng Sta. Lucia lalo’t iisiping guaranteed ang contract ng mga imports na kinuha nila. Mabuti sana kung nakapasok sila sa semis. Sulit sana!

Puwes, hindi naman Sta. Lucia ang pinupuna namin ngayon. Nasabi nating ganitung-ganito ang pinagdaan ng Realtors subalit pinatutungkol namin ito sa San Miguel Beer!

Mamayang gabi kasi’y magpaparada na naman ng panibagong import si coach Bethune Tanquincen sa katauhan ni Shea Seals na humalili kay Damon Jay Flint matapos lamang ang dalawang laro kung saan nag-average ito ng 11 puntos, 4.5 rebounds, dalawang assists, 0.5 steal, 0.5 blocked shot at 3.5 errors sa 30 minuto.

Si Seals ay produkto ng Tulsa University. Bagamat hindi siya napili sa NBA Draft ay naglaro naman siya para sa Los Angeles Lakers noong 1997.

Matapos iyon ay nagtungo siya sa France para maglaro sa tatlong iba’t ibang koponan -- Asvel Villeurbanne, SLUC Basket Nancy at Elan Sportif Chalonnais. Siya ay may taas na 6’5.

Sinimulan ng Beermen ang kasalukuyang PBA Commissioners Cup nang may tambalang Flint at Jermaine Tate. Natalo kaagad sila sa Alaska Aces, 77-69 kung saan si Tate ay nakagawa ng 13 puntos, 11 rebounds, dalawang assists, dalawang steals, isang blocked shot at apat na errors.

Okay na sana ang mga numerong iyon at malaki ang posibilidad na magi-improve pa siya. Kaya lang ay mayroon siyang calf injury kung kaya’t pinauwi siya’y pinalitan ni Art Long, isang NBA veteran na naglaro ng 63 games sa Phoenix Suns noong isang taon.

Impressive ang credentials ni Long dahil sa 63 games ng Suns at 27 beses siyang naging starter. Ang unang balita’y sa FedEx siya lalaro subalit napunta siya sa San Miguel. Inayawan daw siya ng FedEx matapos na konsultahin nito angUS-based agent na si Sam Unera na nagsabing may injury siya.

Puwes, may injury pala talaga si Long at ito’y nadiskubre ng San Miguel sa sumunod nilang laro laban sa Selecta-RP Team kung saan natalo sila, 85-81.

Hindi umiskor si Long subalit nakagawa siya ng pitong rebounds, dalawang assists at dalawang blocked shots sa 17 minuto.

Kaya naman kahit na may injury si Long ay hihintayin na lang daw siya ng Beermen na gumaling. Susugalan na muna nila si Seals at aasa ang mga Fil-Ams na gaya nina Nic Belasco at Dorian Peña ay sisingasing din.

Aba, mukhang magsasakripisyo muna ang Beermen sa yugtong ito. Pero paano kung hindi kaagad gumaling ang injury ni Long? Kukuha ba sila ng pang-limang import?

Magastos ano!

Pero ganoon talaga, eh. Gusto nilang manalo.

ALASKA ACES

ART LONG

ASVEL VILLEURBANNE

BASKET NANCY

BEERMEN

BETHUNE TANQUINCEN

GOVERNORS CUP

MATAPOS

SAN MIGUEL

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with