Magugunitang may mga umusbong na kuwentong maging ang paglaya ni Wang sa Dallas ay may nakakabit na kundisyones. May natunugan ako noong balita (subalit hindi kumpirmado) na ibinigay si Wang kapalit ang tulong ng Estados Unidos na makuha ng Tsina ang 2008 Olympics. Maaalala ninyong may ganitong kompromiso ang Atlanta at Athens, Greece, na nagtulungan upang kapwa nila makuha ang sapat na boto para sa 2000 at 2004 Olympics.
May ilang pang dahilan kung bakit naantala ang pagpunta ni Yao sa Amerika. Humihingi raw ng malaking salapi ang pamahalaan kapalit ng maaaring ibagsak ng kanilang liga sa oras na lilisanin ito ni Yao. Mga opisyal ng militar at pamahalaan ang nagpapatakbo sa CBA.
Masalimuot ang isyung ito dahil hindi lang NBA ang kausap ng CBA, kundi pati na rin ang Houston Rockets, na siyang magiging mother team ni Yao. Isa pa, baka gumaya ang ibang bansa. Alalahanin nating halos animnapu na ang international players sa NBA, at marami pang nakaumang na mapasok sa draft. Mapipilayan ang NBA kapag nagkataong may kasabay silang torneo sa Asya o sa Europa.
Isa pa, paano kung ayaw na ng player na sumunod sa usapan? Naiulat sa mga nakaraang linggo na hindi sinipot ni Wang Zhizhi ang pag-eensayo ng Pambansang koponan ng Tsina. Para namang paupahang lumalabas ang mga manlalaro. Paano naman kaya kung mapilayan ang player habang nasa Asian Games? Babayaran naman kaya ng CBA ang mother team sa NBA?
Sa kabilang dako, kahalintulad ito ng development fee na hinihingi noon ng MBA sa mga manlalaro nitong sinusungkit ng PBA. May naging puhunan na rin ang una, kaya humihingi ito ng matatawag nating good will money kapalit ang mga player nitong aakyat na.
Dapat siguro ay minsanan lang pagbigyan ng NBA ang CBA, at salapi na lang ang kanilang pag-usapan. Hindi naman puwedeng habang-buhay pagsilbihan ng player ang pinagmulan niyang liga, kahit may iba na siyang amo.