Nagbigay ng mahigpit na hamon si Damu-ag nang maka-abante ito sa maagang 6-3 pangunguna ngunit ipinanalo ni Corteza ang sumunod na anim na racks upang agawin ang kalamangan at iposte ang 9-6 bentahe.
Nabigong makarekober si Damu-ag na nakalapit lamang sa 7-9 bago na-clean-up ni Corteza ang dalawang huling racks para tapusin ang race-to-11 finals na sponsored ng Barcelona Brandy at Robinsons Malls.
Si Corteza ay mayroon nang kabuuang P30,000 matapos madagdagan ng panibagong P15,000 bilang champion sa ikalawang sunod na pagkakataon at kung magagawa nitong magkampeon ng 13 sunod pang linggo ay bibigyan ito ng bonus na P1milyon.
Si Damu-ag ay tumanggap naman ng P10,000.
Ang mga losing qualifiers at iba pang talented billiard players ay maaari pang sumali sa susunod na open tournament sa Huwebes sa Omerta Bugsy II Bar and Billiards sa 48 Examiner St., West Triangle, Quezon City.