Pinangunahan ni Farley ang isang 24-7 run sa huling bahagi ng ikaapat na quarter upang makaahon sa 8-point deficit ang Realtors na kanilang naging tuntungan upang silatin ang Governors Cup champion na TJ Hotdogs.
Kahanay na ngayon ng Sta. Lucia ang Talk N Text Phone Pals, Coca-Cola Tigers at defending champion Batang Red Bull na dinomina at tinambakan ng mahigit 20 puntos ang kani-kanilang mga kalaban.
Binuksan ng Purefoods ang fourth quarter sa pamamagitan ng 12-2 run upang iposte ang 71-63 kalamangan ngunit kumulapso ang Purefoods at nalimitahan lamang sa apat na puntos mula rito na siyang naging tuntungan ng Sta. Lucia sa tagumpay.
Matapos magpasiklab sa kanilang unang asignatura, ikalawang sunod na panalo naman ang tutumbukin ng Coca-Cola Tigers at Talk N Text na magpapalitan ng kalaban ngayon.
Sasagupain ng Tigers ang Shell sa ganap na alas-3:45 ng hapon na susundan naman ng pakikipaglaban ng Phone Pals sa FedEx Express sa dakong alas-5:45 ng hapon.
Ang Turbo Chargers ang naging biktima ng Phone Pals noong opening day, 72-89 habang hindi naman nakaporma ang Express sa Coca-Cola, 82-110 noong Martes.
Imbes na ang 69 na si Art Long, ang United States Basketball League Most Valuable Player na si Frantz Pierre-Louis ang isasalang ng FedEx kapalit ni Jeremy Robinson upang makatambal ni Jermaine Walker.
Si Pierre ay masusubukan nina Danny Johnson at Jerald Honeycutt na babandera naman sa Phone Pals.
May balitang maglalaro sa San Miguel si Long na inaasahang magpapalit ng parehong import matapos ang kanilang nakakadismayang debut game.(Ulat ni Carmela Ochoa)