Di gaya ng kanilang pagsisimula sa nakaraang Governors Cup kung saan sila ay natalo sa opening game at buhat dito sunod-sunod na panalo ang kanilang niratsada upang magtapos sa eliminations bilang no. 1 team, ngunit nawalan lamang ng saysay matapos masibak sa quarterfinal round, umaasa ang Phone Pals na ibang kuwento ang mangyayari sa Samsung Commissioners Cup na nag-bukas kahapon sa Araneta Coliseum.
Naitala ng Talk N Text ang buwenamanong panalo nang kanila halos dominahin ang laban sa Shell Velocity tungo sa 89-72 pamamayani sa tulong ng kanilang bagong sandata sa katauhan ni import Danny Johnson.
Humakot si Johnson, ang pumalit sa puwesto ni Richie Frahm ng 27 puntos kabilang ang 4-of-8 three-point shooting na naging mabisang partner ng balik Phone Pals import na si Jerald Honeycutt na tumapos naman ng 29-puntos.
Matapos makipaglaban ng mahigpitan ang Turbo Chargers sa unang canto na kanilang tinapos taglay ang 25-24 bentahe, nagsimula nang kumulapso ang 2-3 zone ng Shell na nagbigay daan sa Talk N Text na makaungos at umabante ng hanggang 23-puntos na kalamangan.
Isinara ng Phone Pals ang first half taglay ang 48-38 kalamangan at pinalobo sa 20-puntos sa ikatlong quarter bago naitala ang kanilang pinakamalaking kalamangan na 83-60 mula sa tres ni Elmer Lago sa ikaapat na quarter.
Sa ikalawang laro, naging maganda rin ang debut ng Batang Red Bull nang kanilang igupo ang Barangay Ginebra, 81-69. (Ulat ni Carmela Ochoa)