SkyGo Motorcycles katuwang na rin ng MBA

Nadagdag ang SkyGo Motorcycles sa listahan ng mga sponsors ng Metropolitan Basketball Association (MBA).

Ang Gillamac’s Marketing, ang official distributor ng SkyGo Motorcycles ang siyang magsasagawa ng halftime promotion sa piling MBA games partikular sa Cebu, Davao, Cagayan de Oro at Lipa.

Kikilalanin bilang ‘Go For SkyGo’ mamamahagi ng mga leaflets sa mga fans na nasa gate. Kanilang ihuhulog ang mga stubs sa drop box kung saan limang mapapalad na fans ang siyang mapipili na lumaro sa halftime.

Sila ay awtomatikong mananalo ng SkyGo shirts. Ang bawat kalahok ay bibigyan ng dalawang tsansa na makapagpasok ng three-point shot upang magkamit ng Oclar Rice Cooker at ang huli ay pag-kakalooban ang kalahok na makapagbuslo mula sa half-court para sa isang bagong SkyGo SG-150-ZK Motorcycle!.

"You don’t only get to watch exciting MBA action, you can also win a SkyGo motorcycle," ani Gillamac’s Marketing Development Consultant Cerwin Eviota.

Ang kasunduan sa pagitan ng MBA at Gillamac’s Marketing ay pormal na ipinormalisa kahapon ng hapon nina Gillamac’s Chief Operating Officer and Executive Vice-President Cecilio ‘Lito’ Gillamac Jr., at MBA Marketing and Business Development Director Ramon Tuason.

Show comments