Reyes kuntento sa 3rd place

Naisalba ni Efren ‘Bata’ Reyes ang konsolasyong ikatlong puwesto ng kanyang igupo si Kunihiko Takahashi ng Japan, sa kanilang race-to 11 battle for third place sa 11-8, sa huling araw ng Motolite 9 Ball World Challenge sa Araneta Coliseum kagabi.

Matapos mabigong tumuntong sa finals sanhi ng 9-7 kabiguan kay Corey Deuel, ng USA, hindi naman hinayaan ni Reyes na masilat ng Japan’s No. 1 cue artist upang ibulsa ang $7,500 bilang premyo para sa third placer.

Maagang umabante si Reyes, 6-2 ngunit sinamantala ni Takahashi ang sunod-sunod na kamalasan ni Reyes sa break upang itabla ang iskor sa 7-all .

Ngunit kinuha ni Reyes ang ika-15th, 16th at 17th racks upang itala ang 10-7 kalamangan.

Gayunpaman, hindi hinayaan ni Takahashi na agad matapos ang labanan nang makaiskor ito sa 18th rack upang makalapit sa 8-10.

Tuluyan ng tinapos ni Reyes ang laban nang ma-foul si Takahashi sa 2-ball bunga ng mahirap na placing ni Reyes para duplikahin ang kanyang 7-4 panalo sa kanilang unang pagtatagpo sa elimination round.

Habang sinulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban sina Francisco ‘Django’ Bustamante at Deuel sa race to-13 finals showdown.

Ang mananalo ang magbubulsa ng $15,000 habang ang runner up ay magbubulsa ng $10,000.

Show comments