Mabangong-mabango na naman ang pangalan ni Manny Pacquiao, ang kasalukuyang IBF junior featherweight champion matapos na ipagtanggol nito ang kanyang korona sa kumbinsidong TKO sa kalabang Columbian boxer na si Jorge Julio.
Kahanga-hanga ang performance ni Pacquiao sa kanyang laban kung saan hindi niya tinantanan ang kalaban simula pa lang ng first round.
Sa katunayan, sa unang round na iyon ay tinamaan ng kaliwa ni Pacquiao si Julio at hilong talilong na agad.
Pagdating ng second round, hindi niya binigyan ng pagkakataon na makasingit ng suntok si Julio at tinadtad niya ng kamao sa katawan sa mukha hanggang sa tamaan ng matinding left hook na tuluyang nagpabagsak sa kalaban.
At kung hindi pa ito inawat ng reperi, malamang lantang-gulay na si Julio pagtunog ng bell.
Saludo ang buong Pilipinas sa iyo Manny.
Pero sana naman, huwag siyang gamitin ng mga pulitiko nating matatakaw sa publisidad.
Sa tantiya ko lang at base sa mga usap-usapang naririnig ko, liyamado pa si Tyson sa labang ito. Ibig kong sabihin sa pustahan, tila mas marami ang pumusta kay Tyson kaysa kay Lewis.
Kaya naman, marami ang natalo sa pustahan dahil walang ipinakitang magandang suntok si Tyson mula sa first round hanggang sa 8th round.
Marami ang nagsabing, laos na si Tyson. Maging si Lewis ay nagsabing siya ang pinakamagaling na heavyweight boxer sa buong daigdig. Kasama na siya sa listahan ng kasaysayan ng mga "greatest heavyweight boxer in the world."