Bagamat binabagabag ng pananakit ng kanyang likod, gumawa ng isang malaking sorpresa si Maricel Sibog nang kanyang imarka ang 5.66M sa ikalawang pagtalon upang tungkabin ang apat na taon ng record ni Maristella Torres ng STRAA na 5.54M noong 1998 Bacolod City Palaro.
"Masaya po ako kahit hindi gaanong maayos ang pakiramdam ko, dahil palaging sumasakit ang likod ko," pahayag ng 18-anyos na si Sibog, tubong Liberty, Tampahan, South Cotabato para sa kauna-unahang gold ng Southern Mindanao.
Dahil sa kanyang ipinamalas, dinagsa ng alok si Sibog ng scholarship mula sa University of the East, De La Salle, Far Eastern University at University of the Philippines upang maging miyembro ng athletic team.
Pero ang nasabing mga alok ay hindi tinanggap ni Sibog dahil sa kun-disyon ng kanyang katawan.
Pumangalawa kay Sibog sina Mane Loida Abarquez ng Region VII na may 5.10M na sinundan ni Cristy Luela Abundo ng CARAGA region na may 4.8M.
Umagaw ng atensiyon ang pamangkin ng convicted priest killer na si Norberto Manero na si Ailyn Manero nang kanyang isubi ang ikatlong ginto ng Southern Mindanao. Bumato ang 12-anyos at first timer na si Manero ng ginto sa distansiyang 34.45M upang gapiin sina Fairodz Usman ng ARMM na nagposte ng 32.52M at Elizabeth Tura ng WMRAA na nagtala ng 31.21M sa girls elementary javelin throw.
Pinaghatian naman ng Western Visayas at Southern Tagalog ang boys 800M run gold kung saan nanaig si Jay Rivera ng WVRAA sa secondary division matapos na gumuhit ng 1:59.5 minuto at napasakamay naman ni Jayjay Rogelio ng STRAA ang elementary bracket sa tiyempong dalawang minuto at 7.6 segundo.
Ang performance ni Rogelio ang siyang gumiba sa dating marka na 2:08.2 ni Askar Mohammed ng Western Mindanao na kanyang ginawa noong 1998 Palaro sa Bacolod City.
Dinomina ni Rivera sina Ronald Magusara ng CMR-AA na naka-silver at Sherwin de Guzman ng ARMM na nakaumit ng bronze, habang ginapi ni Rogelio sina Palma ng WVRAA at Edmund de Guzman ng STRAA.
Sa kasalukuyan, pitong mga dating record na ang nawawasak na pawang sa athletics competition ng isang linggong Palaro na itinataguyod ng PAGCOR, Air Philippines, Philippine Airlines Philtranco at ng Philippines Sports Commission.
Kasabay nito, isang Ameresian ang nagpasiklab nang kanyang bigyan ng unang gold ang Central Luzon sa kanyang unang paglahok sa secondary boys century dash.
Tinanghal si Marvin Sarandona, na gamit ang apelyido ng kanyang ina sa halip na ang pangalan ng kanyang ama na isang Black American na Sprint King sa 100m century dash nang kanyang isubi ang gold sa isinumiteng 11.2 segundo at talunin sina Wilfredo Vallejera ng Region VI na mayroong lamang na tatlong segundong agwat at Junie Ferraren ng Region XI na may 11.6 segundo.
Hindi rin nagpahuli ang bagitong si Ed Jun Cajetas na dagdagan at ibulsa niya ang kanyang ikalawang gold para sa W. Mindanao mata-pos na mapagwagian ang elementary boys 100m dash sa tiyempong 12.1 segundo na tumalo kina Adrian Pala-gunan ng Southern Minda-nao at Zuharto Tacongcong ng ARMM na nakuntento lamang sa silver at bronze.(Ulat ni Maribeth Repizo)