Isang anak ng maggu-gulay ang gumulantang kahapon sa pagbubukas ng hostilidad ng athletics event nang isukbit nito ang medalyang ginto kasabay ng pagtapyas ng dating record sa javelin throw ng Palarong Pambansa na ginaganap sa Metro Naga Sports Complex dito.
Ibinigay ni Allaoid Lumabao ang unang ginto ng Ilocos Region sa javelin throw nang bumato ito ng 59.18 meters kasabay ng pagkawasak ng limang taon ng record na 58.52 na naiposte ni Dandee Gallenero ng WVRAA noong 1997 Palaro na dito rin idinaos sa Pili, Camarines Sur.
Gulay po lagi ang kinakain namin, yun po ang tinda ng mama ko, wika ng 17-anyos na si Lumabao na nagpakitang gilas rin sa katatapos pa lamang na National Open nang gumawa ito ng junior record.
"Pakbet at salad po ang paborito kong ulam.
Nag-iisang anak ng mag-asawang Lina at Prumencio Lumabao na kapwa tindero ng gulay sa La Paz market, Laoag City at produkto ni dating Gintong Alay Proj. Director Michael Keon, tinalo ni Lumabao ang mga katunggaling sina Marcelino Osmeña ng Region-4 na nagtala ng (50.26m) at Alden Amora ng Region VII (49.1m).
He is just 17 years old and I could say that he is still beyond his peak. He kept on improving every time he joins a competition and he is serious in all his practices. This is the reason that I can predict that he will succeed in his ambition as an athlete, sabi naman ni Keon, na siya ring humubog kina Lydia de Vega Mercado, Hector Begeo, Isidro del Prado at Elma Muros-Posadas kung saan personal niyang pinangangasiwaan ang development ng mga atleta sa kanyang rehiyon.
Ang tagumpay ni Lumabao ay dinuplika ni Mariz Cotoner ng Southern Tagalog Region nang umumit rin ito ng ginto sa isang record-breaking performance sa secondary level.
Ang 16-anyos na si Cotoner, tubong Nagcarlan, Laguna ay tumalon ng distansiyang 1.60 upang wasakin ang dating marka ni Narcisa Atienza ng STRAA noong 1997 at record ni Rosal Paculaba ng CVIAA na 1.56 metro sa girls high jump noong 1998 Palaro.
Ito ang ikatlong sunod na medalyang gintong napagwagian ni Cotoner sa taong ito na ang una ay sa STRAA at ang ikalawa ay sa National Open-Sering Cup.
Pumangalawa kay Cotoner sina Kristine Camora ng Western Mindanao na lumundag ng 1.51m at tumersera si Fatima Jimena ng National Capital Region sa layong 1.48m.
Hindi rin nagpahuli si Jeremie Tamles ng Region 9 nang kanyang tabunan ang dating record na 12.16m na naiposte ni Ismael Alamin noong 1998 Palaro sa pagtala ng 12.38m sa triple jump elementery boys.
Isa pa ring kababayan niya, si Raymond Jed Gabuya ang pumanga-lawa sa tinalong 12.09m na sinundan ni Subar Tuconcong ng ARMM sa distansiyang 11.98m.
Sa swimming, sinisid ni Malco Alcon Dacanay ang unang gold ng NCR sa tiyempong 2:14.61 sa 200M freestyle. Pumangalawa naman si Miguel Villanueva ng WVRAA 2:18.50 at tersera naman si Matthew Tano ng NCR, 2:19.04.
Sa kababaihan, isinukbit ni Carmela Nava ng WVRAA ang gold sa 200M freestyle (elem. division) sa kanyang nilangoy na 2:28.55 upang higitan sina Jean Murray Zapanta ng BRAA 2:28.64 at Michelle Petero ng WVRAA 2:30.35 habang namayani naman si Roman Borja ng STRAA sa 400M freestyle (secondary) sa kanyang isinumiteng 4:26.87 at napasakamay ni Byron Bonnie Sy ng BRAA ang silver 4:30 at bronze kay Carlo Rodriguez ng SMRAA 4:36.95. (Ulat ni Maribeth Repizo)