Limang ginto ang nakataya sa track and field, dalawa sa secondary girls high jump at discuss throw sa secondary level girls, habang isa naman sa secondary boys javelin throw, isa sa shot put at triple jump para sa elementary boys division.
Ang walong ginto ang inaasahang pag-aagawan ng mga tankers mula sa mahigpit na magkaribal na defending overall champion Central Visayas at National Capital Region tankers sa swimming at apat sa artistic gymnastics.
Ang Palaro ay pormal na binuksan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa harapan ng 6,500 atleta at opisyales ng 16 rehiyon na tinampukan ng magarbong opening ceremonies.
"Alam kong inip na kayo dahil na-cancel ang Palaro. Noong una, naisip kong mabuti na-cancel pero ngayong Pangulo na ako, hindi naman napakalaki ng gastos. Importante ang Palaro dahil dito nadidiskubre ang mga atletang panlaban sa regional at international kompetisyon," pahayag ng Pangulong Arroyo.
Hinamon din ng Pangulo ang mga sports at education officials na makipagtulungan para sa ikatatagumpay ng Palaro at iba pang sports na ayon sa kanya ay kailangan ng bansa upang makipaglaban sa buong mundo, di lamang sa sports kundi maging sa kabuhayan.
"Sana may mga kabataang manlalaro na makakakuha rin ng incentives gaya ng mga beteranong manlalaro sa ilalim ng RA 9064," dagdag pa ng Pangulo.
Tatlong records ang inaasahang matatabunan na kinabibilangan ng 32.45 metro sa secondary girls discuss throw na iniingatan ni Nina Marie Lumapas ng Central Visayas na kanyang iginuhit noong 1998 Pala-rong Pambansa na huling dinaos sa Bacolod City.
Ang isa pang marka ay hawak naman ni Conny Amor Bartolome ng Southern Mindanao sa elementary girls shot put nang bumato ito ng 10.93 metro noong 1996 Palaro na ginanap naman sa Socsargen, habang magpipilit naman ang mga kalahok na mawasak ang 1.56 metrong marka sa secondary girls high jump na ipinoste ni Narcisa Atienza noong 1997 Palaro na ginanap sa Pili, Camarines Sur.
Malalaman rin ngayon kung matatabunan ang record sa elementary boys high jump na hawak naman ni Alvaro Uy ng Cagayan Valley ng magtala ito ng 1.73 metro noong 1998 sa Bacolod City.
Nakatakda ring simulan ang aksiyon sa badminton na idaraos sa Naga City Gym, boxing elimination na gaganapin sa plaza sa harapan ng Bicol College of Arts and Trade, chess sa Xavier Hall ng Ateneo de Naga University, football at sipa.
May kabuuang 136 medalya ang pag-aagawan para sa elementary habang 164 naman sa high school sa Palarong ito na hatid ng PhilTranco, Centrum, Casino Filipino at Philippine Airlines.