Sweeps puntirya ng Slashers vs Blades

LIPA CITY--Sisikapin ng Negros Slashers na tuluyan ng kitilin ang pag-asa ng Batangas sa kanilang nakatakdang muling pagtitipan sa Game Three ng MBA First Conference title series kung saan ang aksiyon ay dadayo sa balwarte ng Blades sa Lipa Youth and Cultural Center dito.

Dalawang ulit ng sinagasaan ng Slashers ang Blades noong nakaraang linggo at nangangailangan na lamang ito ng isang panalo upang ma-sweep ang kanilang best-of-five series at maipaghiganti ang kanilang nalasap na kabiguan sa mga kamay ng Blades noong nakaraang taong MBA national finals.

At ito ay magagawa lamang ng Slashers kung magiging epektibo ang tambalang Dino Aldeguer at Dennis Madrid sa opensa, gayundin ang duo nina John Ferriols at Reynel Hugnatan na kailangang magtrabaho ng husto sa kanilang nakatakdang alas-6 ng gabing engkuwentro.

"Now that we’ve held our homecourt advantage, our chances are definitely better," ani Slashers coach Joshua Villapando na kumpiyansang nagpahayag na maaari na nilang mawalis ang serye matapos ang kanilang dalawang sunod na panalo sa kanilang teritoryo dahil nasa panig nila ang momentum kumpara sa Blades na nasa mga balikat nila ang matinding pressure na batid nila na ang isang pagkakamali ang posibleng kumitil ng kanilang tsansa para mapalawig pa ang kanilang serye.

Pero di pa rin nakakasiguro ang Slashers na mapapasa-kamay ang panalo dahil sa hawak ng Blades ang homecourt advantage, inaasahang gagawa ito ng eksplosibong performance upang supilin sila.

Tiyak na itatapat ng Blades sina Alex Compton, Jeffrey Sanders at Eddie Laure para palakasin ang kanilang opensa, bukod pa ang pagpapalakas ng depensa.

Show comments