Marami nang naging tagumpay ang programa. Matapos nitong interbyuhin si Eric Menk, muli itong nakapaglaro sa PBA. Ang programa rin ang kauna-unahang naglahad ng mga paghihirap ng ilang mga manlalaro, tulad ni BJ Manalo ng De La Salle University, at nagbigay-parangal sa mga masugid na tagasubaybay ng basketbol, na nagtitiis ng pagod, ulan, traffic, mapanood lang ang kanilang mga paboritong player.
Sa kauna-unahang pagkakataon, naibigay ni Johnny Abarrientos ang kanyang panig hinggil sa mga bintang na gumagamit siya ng ibinabawal na gamot na kanyang pinagpasalamatan. At tuloy-tuloy ang suportang ibinigay sa mga Pambansang koponan, mula sa RP Team sa Asian Games-na binubuo ng mga PBA superstars hanggang sa RP Youth Team, na nagpapagod sa kanilang mga anino.
Marami na ring nailahad na lihim ang programa, lalo nasa mga pinagkakaabalahan ng mga player sa labas ng court. Naririyan ang batchoyan ni Gido Babilonia ng FedEx Express, beauty salon nina Coca-Cola coach Chot Reyes at Jeff Cariaso at ang pagpinta nina Jojo Lastimosa at Mon Jose, labahan nina Jolly Escobar ng Purefoods at Donbel Belano ng Talk N Text, at marami pang iba.
Ang nakakataba ng puso ay ang pagpapasalamat sa mga natulungan ng show, lalo na sa mga nagtratrabaho sa likuran ng liwanag at kinang ng mga sikat na manlalaro; mga masahista, alalay, simpleng fan, referee, barker at napakaraming nilalang na di kayang malayo sa basketbol. Kayo ang naging inspirasyon namin.
Salamat din sa mga sponsor na di matimbang ang naitulong sa amin: Columbia International, gumagawa ng kendi na pambato natin sa buong mundo; Adidas Philippines, Red Horse Extra Strong Beer, Greenwich Pizza, Revicon, Pearl of the Pacific, Pizza Hut at Accel Sports.
At ngayon naman, nais ko ring pasalamatan ng taos-puso ang mga kabalikat ko sa pagbuo ng The Basketball Show. Maraming salamat kina Maj. Guanzon, Neth Ngo, William dela Cruz, Julie Letada at Mini Maglahus at sa mga naging bahagi ng aming pagsisikap sa nakaraang labindalawang buwan. Dahil sa inyo, hindi ako sumuko.
Gaya ng lagi kong sinasabi, "Were all on the same team."
Ang programang The Basketball Show ay napapanood tuwing Sabado ng tanghali sa RPN-9.