Talunan ng Blades noong nakaraang national finals, mas higit na pinalakas ngayon ng Slashers ang kanilang rosters upang maiwasan ang kanilang sinapit na kabiguan sa huli nilang paghaharap kung saan wala na ang sentrong si Romel Adducul na nagpahirap sa kanila.
Dahil sa pangunguna ng Slashers sa elimination phase sa Southern Conference, nakopo nila ang homecourt advantage sa kanilang knockout semifinal nang kanilang igupo ang Professional Davao Eagles, 93-90 noong Mayo 18.
Taliwas naman ito sa Blades na kinailangang bumangon matapos na matalo ang unang dalawang laro bago nila tuluyang napatalsik ang Olongapo Volunteers, 76-75 noong Mayo 19.
Samantala, inimbitahan ng Basketball Association of the Philippines (BAP) ang Metropolitan Basketball Association (MBA) na katawanin ang bansa sa nalalapit na Jones Cup sa Taiwan sa Hulyo 13-24.
Ipinarating nina BAP President Quinteliano Literal at Secretary-General Graham Lim ang imbitasyon kay MBA Commissioner Joaquin Loyzaga noong isang araw. Ang nasabing annual tournament ay ginaganap bilang pagbibigay parangal sa FIBAs first President R. William Jones at kinukunsidera na isa sa pinaka-prestihiyosong events sa Asia.
Matatandaan na kinatawan ng MBA ang bansa sa huling tatlong edisyon ng Jones Cup. Una ang Iloilo Megavoltz na lumahok noong 1999 subalit ang kanilang pagsabak ay tinampukan ng free for all kontra Chinese Taipei.
Niliwanag rin ni Loyzaga na hindi pa tuluyang isinasara ng MBA ang kanilang pinto para sa nasabing imbitasyon.