Ang nasabing annual event na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa kooperasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay iho-host at sponsored ng Provincial Government of Pampanga sa pangunguna ni Gov. Manuel Lito Lapid.
Inaasahang makikipagpigaan ng utak sa tournament na ito ang mga top chess players ng bansa na kakatawan sa ibat ibang probinsiya sa pangunguna ni Grandmaster Eugene Torre na siyang gumiya sa nakaraang taong titlist Mountain Province at ang probinsiya ng Bataan na tatrangkuhan naman ni Grandmaster Joey Antonio.
Nakataya sa chessfest na ito ang kabuuang P526,000 na ang magka-kampeon na koponan ay mag-uuwi ng P200,000. Ang second, third at fourth placers ay pagkakalooban ng P100,000, P75,000 at P50,000, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang premyo na nakalaan ay para sa 5th place-P30,000; 6th place-P15,000; 7th place P10,000; 8th place-P8,000; 9th place-P7,000 at 10th place-P6,000. Tatanggap rin ang mga individual winners ng cash prizes at gold medals.
Ang bawat koponan ay bubuuin ng maximum na limang manlalaro o minimum na apat. Ang koponan ay puwedeng magpadala ng dalawang tituladong players (Grandmasters, International Master, FIDE Master o National Master).