Nakatakdang harapin ni Peñalosa, rated No. 1 ang kasalukuyang Japan-born, North Korean world champion Masamori Tokuyama sa Nobyembre 8 sa mandatory rematch na ipinag-uutos ng WBC makaraan ang nalasap na kontrobersiyal na pagkatalo ng Pinoy noong nakaraang Setyembre kung saan nabigo ang referee na patawan ng multa si Tokuyama dahil sa paulit-ulit nitong head-butts at low blows.
Kapwa batid nina Peñalosa at Salud na ang magiging kabiguan ng una sa mga kamay ni Andrade ay magsisilbing mitsa ng tuluyang pagka-wasak ng kanyang career sa ibabaw ng lona.
Upang higit na mapaganda ang seryosong kampanya ni Peñalosa sa NABF title fight, tinanggihan ni Salud ang kanyang kahilingan na sumunod ang kanyang asa-\wang si Goody sa Los Angeles kung saan si Peñalosa ay nagsagawa ng workouts sa ilalim ng ace trainer na si Freddie Roach na siya ring humahawak kay IBF super bantamweight champion Manny Pacquiao sa kanyang Wild Card Gym malapit sa Hollywood. Mismong si Pacquiao ay manonood ng laban ni Peñalosa sa special ringside kasama si Salud at ang kanyang anak na isa ring abogadong si Chito.
Matagumpay na naidepensa ni Andrade ang kanyang NABF title sa pamamagitan ng second round KO kontra Jorge Luis Gonzales noong nakaraang Abril 24. Taglay ni Gonzales ang 13-1 slate bago niya nalasap ang nasabing pagkatalo sa mga kamay ni Andrade na umiskor rin ng impresibong panalo laban sa walang talong si Debind Thapa at Trinidad Mendoza na kanyang na-knockout sa eight rounds.