355 Pinoy athletes pararangalan ng PSC at PAGCOR

Pararangalan ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang 355 Filipino atleta na nagbigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng pagwawagi ng medalya sa mga iba’t ibang international sports competition sa nakalipas na 50-taon sa isang special ceremonies na gaganapin sa Mayo 27 sa Grand ballroom ng Westin Philippine Plaza Hotel.

Tinaguriang "A Salute to the Filipino Athlete-Honoring Past Achievers in Philippine Sports" ang nasabing pagtitipon ay tatampukan ng awarding ng cash incentives ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga national athletes na nag-qualify para sa nasabing insentibo at benepisyo kabilang sa ilalim ng Section 9 ng R.A 9064 (Sports Benefits and Incentives Act of 2001).

Ninombrahan ni PAGCOR Chairman at CEO Efraim Genuino si PAGCOR Director Luis Carlos na tumulong upang maseguro ang tagumpay ng lahat ng proyekto na pangangasiwaan ng state-gaming agency sa koordinasyon ng PSC na ayon sa kanya, ang naturang affair ay kauna-unahan sa kasaysayan ng Philippine sports. "We are going to gather in one night the greatest, Filipino athletes who have reaped gold, silver and bronze medals in prestigious sporting events such as the Olympics, the World Championships and the Asian Games. We are going to give them a grand tribute befitting the sports heroes they really are," ani Genuino.

Kabilang sa Sports Benefits and Incentives Act of 2001 na nilagdaan noong Abril ng nakaraang taon ni Pangulong Arroyo ang substantial monetary rewards para sa mga atleta na nanalo sa Olympics, Quadrennial World Championships, Asian Games at maging ang mga nanalo at record-breaking performance sa SEA Games.

Bukod sa cash incentives, naglaan din ang RA 9064 ng ilang benepisyo at privileges para sa mga nakalipas at kasalukuyang national athlete, coaches at trainers ng retirement benefit package; discounts mula sa lahat ng establishments relative gaya ng transportation services, hotels at iba pang lodging houses, restaurant at recreation center at maging sa admission fees sa mga sinehan, libreng medical at dental consultation sa mga pribado at pampublikong hospitals; comprehensive social security program na itatayo ng Social Security System (SSS) at prayoridad sa livelihood programs at national housing programs.

Ayon kay Carlos, kasalukuyan nang bukas ang application para sa mga qualified past achievers na nag-qualify at entitled na tumanggap ng incentives at benefits mula sa RA 9064. Maaari silang magtanong sa Support and Services Division ng PSC sa PSC Administration Building, Rizal Memorial Sports Complex sa Pablo Ocampo St., Manila.

Show comments