Nasilat ni Encarnacion ang kanyang teammate na si Allen Patrimonio para sa lingguhang award.
Nagpakitang gilas ang tubong Cavite na si Encarnacion sa mga krusiyal na bahagi ng kanilang huling laro kontra sa Batangas Blades noong Mayo 13 nang kanyang pangunahan ang Volunteers sa kinanang 23 puntos, 13 nito ay mula sa final canto upang igiya ang 93-78 tagumpay.
Nauna rito, tumapos si Encarnacion ng 16 puntos makaraang lumasap ang Volunteers ng masaklap na 93-94 pagkatalo sa mga kamay ng Casino Cagayan de Oro Amigos.
Ang panalo ay nagkaloob sa Olongapo ng solong liderato sa Northern Conference sa kanilang 7-3 kartada at kailangan nilang magwagi sa kanilang home court sa knockout semifinal game kontra sa Blades na naglista ng 6-4 win-los slate sa Mayo 19 sa Olongapo City Convention Center.
Bukod kay Patrimonio, tinalo rin ni Encarnacion sa nasabing award ang nakaraang linggong co-winner na sina Alex Compton at Eddie Laure ng Blades, Dino Aldeguer ng Slashers, Ernani Epondulan ng Amigos, Randy Alcantara ng Waves at Arnold Rodriguez ng Cebuana Lhuillier Gems.
Samantala, magiging punong abala naman ang RCPI Negros Slashers (7-3) sa pagdayo ng Professional Davao Eagles sa isa pang semifinals sa Mayo 18 sa University of Saint La Salle Coliseum sa Bacolod City. Ang magwawagi sa dalawang pares na semis match na ito ang siyang maghaharap para sa First Conference Championship sa best-of-five series na magsisimula sa Mayo 25.