Seven-Footers Sa Pba

MAGANDA ang format ng second conference ng Philippine Basketball Association kung saan matapos ang matagal-tagal na panahon ay makakapanood muli ang mga local fans ng mga imports na may tangkad na seven feet o mataas pa.

Kasi nga, ayon sa format ng torneo ay puwedeng kumuha ng dalawang imports na may combined height na 13 feet at six inches ang bawat koponan. Kumbaga’y puwedeng isang seven footer at isang 6-6 ang kumbinasyong kukunin ng isang team.

Sa aking alaala, isang import lamang ang natatandaan kong may height na 7 feet na naglaro sa PBA at ito’y si Jim Zoet. Maaaring mayroon pang ibang seven-footers na naglaro sa mga unang taon ng PBA pero hindi ko na natatandaan pa ang mga ito.

Sa tutoo lang, hindi lamang para sa mga fans maganda ang format ng second conference. Hindi lamang kakaibang treat ito para sa mga sumusubaybay sa liga.

Maganda ang format dahil sa makakaharap ng 15-man Selecta Ice Cream ang mga nagtatangkarang imports. Magugunitang pumili si National coach JosephUichico ng 15 manlalaro kung saan manggagaling ang final line-up ng Philip-pine Team para sa Busan Asian Games na gaganapin sa Setyembre. Ang 15-man team na ito ay iisponsorang muli ng Selecta Ice Cream na ilalahok sa second conference.

Kumbaga’y puwedeng ma-simulate ang mga labanan sa darating na Asiad kung saan ang mga makakaharap natin ay mga seven footers ding kagaya nina Wang Zhizhi, Yao Ming, at Bateer Menk ng China.

Makikita natin kung paano magpe-perform ang ating koponan laban sa mas matatangkad na karibal. Puwede na ring magdisenyo ng plays si Uichico at ang kanyang coaching staff upang paghandaan nang husto ang kalaban.

Malaking contribution ito ng PBA teams sa paghahanda ng RP squad. Biruin mong mas mahal siyempre ang ibabayad ng mga PBA ballclubs sa mas matatangkad na manlalaro.

Kaya lang ay mayroong problema dito, eh.

May makukuha ba’ng mga seven-footers ang mga PBA teams ngayon.

Kung ikaw ay isang seven-footer, saan ka lalaro?

Kung ikaw ay isang seven-footer, malamang na kinuha ka na ng mga koponan sa NBA at hindi ka basta-basta pakakawalan ng mga ito kahit na sabihing medyo mahina ka.

Kung hindi man naglalaro sa NBA ang mga seven-footers, malamang na nasa European leagues ang mga ito o kaya’y naglalaro sa iba pang torneo sa ibang bahagi ng mundo!

Aba’y mahirap maghanap ng mga seven-footers na puwedeng kuning import sa second conference kahit na willing na gumastos ang mga PBA ballclubs! At kung may mahahanap ang mga scouts, hindi naman lahat ng sampung regular teams ay makakakuha nito. Baka isa o dalawa lang ang puwedeng makakuha ng seven-footers.

Gayunpaman, magiging interesting pa rin ang second conference.

Show comments