Napudpod ang 11 puntos na kalamangang ibinandera ng Aces sa kaagahan ng ikaapat na quarter, 64-53 nang pamunuan ni Purefoods import Derrick Brown ang 9-2 run at makalapit ang TJ Hotdogs sa 77-74, 1:43 pa ang oras sa laro.
Mula rito, pinairal ng Alaska ang malabakod na depensa lalung-lalo na kay Brown upang pigilan ang Purefoods at maipreserba ang kalamangan tungo sa kanilang tagumpay.
"Tonight, we did a good job on Derrick Brown," wika ni Alaska coach Tim Cone. " We put up a decent defense on him and these was one of those night that we really worked."
Sa naunang laro, hindi binigo ng Coca-Cola Tigers si coach Chot Reyes sa pagkopo ng konsolasyong ikatlong puwesto nang kanilang pasadsarin ang Mario Bennett-less San Miguel Beer, 75-63 sa kanilang knockout game.
Sinamantala ng Tigers ang hindi paglalaro ni Bennett, na pinanood lamang sa bench ang San Miguel, upang makopo ang third place trophy makaraang madiskaril sa finals makaraang mabigo sa Purefoods TJ Hotdogs sa kanilang nakaraang semifinal match.
Iniwan ni Reyes, na nagtungo sa Amerika noong Biyernes ng gabi para sa US Basketball Academy import camp para maghanap ng import sa susunod na kumperensiya, ang pangangasiwa sa kanyang assistant coach na si Biboy Ravanes.
Muling pinangunahan ni Ron Hale ang Tigers sa paghakot ng 27 puntos, 15 nito ay sa ikaapat na quarter nang kumawala ang Coca-Cola matapos magbigay ng mabigat na oposisyon ang Beermen sa ikatlong quarter.
Matapos ang nakakadismayang performance sa semifinals series, sinikap balikatin ni Lamont Strothers ang San Miguel ngunit tanging sina Dorian Peña at Nic Belasco lamang ang kanyang nakatulong na nagtala ng 15 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.(Carmela Ochoa)