Unti-unti ring gumaganda ang takbo ng RP team, ayon kay coach Jong Uichico. Salaysay niya sa Pilipino Star na naghihilom na ang mga injury ng kanyang mga pinagpipitaganang mga player, at sa susunod na linggo ay makakalaro na sa wakas ang kontrobersiyal na si Noy Castillo.
Halos sigurado na rin ang biyahe ng RP team sa ibang bansa upang lalo mahasa ang kanilang pagkakaisa, ayon sa champion coach ng San Miguel Beer. Subalit ang tanong ay kung ang kanilang mga makakalaban doon ay talagang makakatulong upang makabisado nila ang estilo ng mga makakaharap nila sa Asian Games.
Higit sa dati, maraming dahilan para manood ng basketbol. Aabot na sa kasukdulan ang PBA Governors Cup, parating na ang playoffs ng MBA at parating na ang UAAP at NCAA.
Subalit nadagdagan pa ito ng isang matinding pabuya ng MBA para sa mga manonood nito. Ito ang nalasap ni Gilbert Olap sa Lipa Cultural Center kamakalawa.
Isa si Olap sa limang lumahok sa LBC Long Shot Basketball Challenge sa kalagitnaan ng rematch ng LBC Batangas Blades at Osaka Pangasinan Waves.
Sinimulan ito sa NBA ng Chicago Bulls noong 1980s, at may ilan na ring nagwagi ng isang milyong dolyares, na matatanggap nila sa loob ng sampung taon. Subalit ang kay Olap ay nasa ulap na talaga, dahil isang bagsak niyang nakuha ang kanyang gantimpala.
Sa kanyang unang pagsubok sa pagbuslo mula sa halfcourt, natulala si Olap nang pumasok ang bolat biglaan na siyang inulan ng isang daang libong piso, na magiging karaniwang premyo mula ngayon.
Buwena mano? Beginnners luck? Anuman ang ituring, suwerteng di mapapalitan ang isinusukli ng MBA sa mga masigasig na manonood nito. At kung walang makakakuha ng premyo, dadagdagan pa ito ng sampung libong piso bawat laro.
Malas na lang natin, kailangan pa nating dumayo sa probinsiya para sumali.