Ito ang ikaanim na sunod na panalo ng Power Boosters matapos ang 0-4 puntos panimula sa kumperensiyang ito habang nalasap naman ng Freezer Kings ang kanilang ikaapat na pagkatalo sa siyam na pakikipaglaban.
Pinangunahan ni fil-Am Clarence Cole ng Shark sa paghakot ng 19 puntos na kinapalooban ng perpektong 9-of-9 field goal shooting bukod pa sa kanyang hinatak na tatlong rebounds.
Gayunpaman, sina Rolly Basilides at Rysal Castro ang kumana ng mahahalagang puntos sa huling maiinit na tagpo ng labanan upang maduplika ang kanilang naunang tagumpay kontra sa Ana sa kanilang unang paghaharap.
Katulong ni Cole sina Rysal Castro, Michael Bravo at Warren Ybañez sa opensa ng Shark sa kanilang naitalang 14, 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Buhat sa alanganing 62-56 kalamangan ng Power Boosters, gumana ang mga kamay nina Castro at Basilides upang pangunahan ang 8-3 produksiyon na nagselyo sa kanilang tagumpay.
Naapektuhan ang Ana sa maagang pagkawala ni Dondon Mendoza na nagtamo ng injury sa kaliwang bukung-bukong sa ikalawang quarter habang na-foul out naman si Robin Mendoza sa kaagahan ng fourth quarter.
Nabalewala ang pinaghirapang 14 at 13 puntos nina Ronald Pascual at James Laygo sa nilasap na kabiguan ng Freezer Kings.