Muling sasagupain ng Beermen ang Alaska Aces sa pambungad na laban sa eksaktong alas-6:00 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig na susundan naman ng pakikipagsagupa ng TJ Hotdogs laban sa kanilang kapatid na kumpanyang Coca-Cola sa main game, sa alas-8:00.
Kapwa taglay ng SMBeer at Purefoods ang 1-0 kalamangan sa kani-kanilang best-of-five semifinal series matapos makauna sa pagbubukas ng serye noong Martes.
Hinatak ng Purefoods ang 89-86 panalo kontra sa Tigers habang pinasubsob naman ng Beermen ang Aces sa 72-66 tagumpay.
Kahit na galing ang San Miguel sa dalawang krusyal na matches na nagpatalsik sa top seed na Talk N Text, nanatili pa rin ang puwersa ng Beermen upang itala ang kanilang ikatlong sunod na panalo noong Martes.
Ang pananalasang ito ay inaasahang masustenihan nina imports Lamont Strothers at Mario Bennett sa tulong ng mga locals sa pangunguna ni Boybits Victoria na humataw sa triple area noong nakaraang laban matapos itong umiskor ng 27 puntos sa kanyang 9-of-12 triple shooting.
"Definitely well have a good chance if we win Game Two," pahayag ni interim coach Siot Tanquincen. "If we win, well be two steps ahead against Alaska."
Muli namang sasandalan ng Purefoods ang kanilang pambatong import na si Derrick Brown na umiskor ng 33 puntos sa kanilang nakaraang tagumpay, 13 nito ay sa ikatlong quarter kung saan kumawala ang TJ Hotdogs tungo sa kanilang tagumpay.
"We like our chances because we won Game-One which gave us the psychological edge over Coca-Cola, wika naman ni Ryan Gregorio, ang tumatayong coach ng Purefoods. "But its going to be a long series and I hope we can sustain our momentum."
Makakatulong naman ni Brown si Kelvin Price na malaki ang parte sa depensa ng TJ Hotdogs bukod pa sa kanyang naibibigay na puntos.
Inaasahang babawi naman sina imports Ron Riley at James Head upang maitabla ng Alaska ang serye laban sa Beermen at ito rin ang inaasahang gagawin nina Ron Hale at Rossell Ellis upang malukuban ang kabiguan ng Tigers laban sa Hotdogs.