Haharapin ng defending National Champion Batangas Blades ang Professional Davao Eagles ngayong alas-5 ng hapon kung saan sa kauna-unahang pagkakataon bibisitahin ng MBA ang Mati, Davao Oriental para sa 7,000-seat Davao Oriental Sports and Cultural Center (DOSCC).
Kasabay nito, lalaruin na-man sa Olongapo Convention Center sa Olongapo City ang sagupaan sa pagitan ng Pampanga Stars at Osaka Pangasinan Waves sa alas-3 ng hapon na susundan ng main game sa alas-6 ng gabi na magtatampok naman sa host Olongapo Volunteers at Cebuana Lhuillier Gems.
Sasandig ang Blades sa tikas ni Jeffrey Sanders, ang unanimous choice para ngayong linggo bilang MBA Press Corps Hardcourt Hero. Bunga ng kanyang maningning na performance sa dalawang sunod na panalo ng Blades sa labas ng kanilang balwarte kontra Stars, 78-77 noong Abril 23 at Casino Cagayan de Oro Amigos (80-77) noong nakaraang Abr. 27.
Nagtala si Sanders, produkto ng Technological Institute of the Philippines (TIP) Rangers ng averaged na 25.5 puntos sa dalawang tagumpay ng Blades. Dinala niya ang Blades sa kanyang kinamadang 24 puntos na sinundan ng 27 markers at walong rebounds laban naman sa Amigos.
Siya rin ang tumabon sa pagkawala ni Alex Compton na kasa-lukuyang nasa Amerika upang personal na alagaan ang kanyang amang may sakit.
Kumunekta rin si Sanders ng 11 three-pointers, na siyang naging susi sa tagumpay ng Blades na naging dahilan upang makuha ang ikalawang puwesto sa Northern Division sanhi ng kanilang 3-2 kartada sa likod ng Volunteers na may 4-2 record.
Tinalo ni Sanders para sa nasabing karangalan sina Bruce Dacia, Edgar Echavez at rookie Jean Marc Pingris ng Gems, Tyrone Bautista ng RCPI Negros Slashers, Cid White ng Eagles at Christopher Clay ng Waves.
Samantala, nagtala naman si Clay ng season scoring record nang humataw ng 41 puntos kontra sa Volunteers.