Nagbida sa panalong ito ng RP-Selecta si Paul Asi Taulava na tumapos ng 31-puntos, 10-puntos nito ay sa kanilang mahigpit na pakikipaglaban sa ikaapat na quarter upang iangat ang kanilang record sa 3-6 panalo-talo.
Bunga ng ikawalong kabiguan ng Turbo Chargers laban sa kanilang isang panalo lamang, tiyak na ang kanilang pagkawala sa eksena sa eight-team quarterfinals kung saan ang top-four teams ay mabibiyayaan ng twice-to-beat advantage.
Maganda ang ipinakita ni import Askia Jones sa kanyang tinapos na 22-puntos para sa Shell ngunit ang kanyang kasamahang si Nantambu Willingham ay tumapos lamang ng apat na puntos.
Samantala, pagsisikapang madugtungan ng Barangay Ginebra ang ga-hiblang tsansang makapasok sa quarterfinal, makalapit naman sa bentaheng twice-to-beat ang layunin ng Talk N Text at makasiguro ng play-off para sa ikawalo at huling finals berth ang pakay ng RP Team-Hapee at Alaska Aces.
Ito ang mga senaryo sa dalawang larong nakatakda ngayon sa Phil-Sports Arena sa pagpapatuloy ng elimination round ng PBA Samsung Governors Cup.
Bubuksan ng RP-Hapee at Gin Kings ang aksiyon sa pambungad na laban sa ganap na alas-3:45 ng hapon at agad itong susundan ng engkwentro ng Phone Pals at Aces bilang tampok na laro, sa dakong alas-5:45.
Halos talsik na sa kontensiyon ang Ginebra bunga ng kanilang 1-7 panalo-talo ngunit may pag-asa itong makapasok sa susunod na round kung masu-sweep nila ang huling tatlong laro kabilang ang laban ngayon ay umasang may makatabla sa 4-7 record sa ikawalong puwesto.
Sa kabilang dako, nakapuwesto na rin sa eight-team quarterfinals ang Talk N Text taglay ang 6-1 record kasama ang Purefoods TJ Hot-dogs at Coca-Cola Tigers na may 7-1 at 6-3 record ayon sa pagkakasunod.
Ang RP-Hapee at Alaska ay kasama sa five-way tie sa 4-4 record kung saan kasama ang San Miguel Beer, FedEx at defendeing champion Sta. Lucia Realty. Ang kanilang ikalimang panalo ay possible nang magdala sa kanila sa quarterfinal phase.
Ang Phone Pals ang pinakamainit na koponan ngayon sa PBA bunga ng kanilang six-game winning streak at ito ang sisikaping putulin ng Alaska. Apat na sunod na kabiguan ang pinanggalingan ng Gin Kings at inaasahang ito ang magbibigay sa kanila ng determinasyon upang maiwasan ang maagang pagbabakasyon.