Bukod sa pagpopormalisa ng kanilang pagsulong sa eight-team quar-terfinal round, ang tagumpay ay maglalapit din sa Tigers at Thunder sa twice-to-beat advantage na premyo sa top four teams pagkatapos ng eliminations.
Dahil dito, inaasahang magiging mahigpit ang labanan ng Coca-Cola at Red Bull para sa ikaanim na panalo sa kanilang alas-6 ng gabing sagupaan sa nag-iisang laro ngayong gabi.
Sa taglay na 5-2 at 5-3 record ng Thunder at Tigers, ayon sa pagkakasunod, halos wala na itong laglag sa quarter-finals matapos magkatabla-tabla sa 4-4 record ang San Miguel Beer, RP Team-Hapee, FedEx Express, Alaska at defending champion Sta. Lucia Realty.
Nakapuwesto na rin sa susunod na round ang Purefoods TJ Hotdogs (7-1) at Talk N Text Phone Pals (6-1), habang halos talsik na rin sa kontensiyon ang Barangay Ginebra at ang Shell Velocity bunga ng kanilang kulelat na 1-7 record.
Isasalang ngayon ng Red Bull ang kanilang balik-import na si Antonio Lang, ang Best Import ng Thunder ng Commissioner Cup noong nakaraang taon. Si Lang ay muling kinuha ng Thunder para pumalit kay Julius Nwosu na nagkaroon ng injury sa likod.
Sa di inaasahang pagkakataon, mapapasabak si Lang sa kanyang da-ting teammate na si Ron Hale sa Mitsubishi Electric Melco Dolphins sa Japan Super League kung saan sila magkasamang naglaro noong Oktubre hanggang Pebrero.
Sa katunayan si Lang ang nagrekomenda kay Hale para maging reinforcement ng Tigers.
Kagagaling lamang ng Coca-Cola sa 87-86 pagkatalo kontra sa Sta. Lucia noong Marso 24 habang ang Red Bull ay dinurog ng San Miguel Beer sa kanilang out-of-town game sa Lipa City. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)