Ngayong naka-leave-of-absense ang mahigpit na karibal na Welcoat Paints, ang lahat ng mata ay nakatutok sa Power Boosters.
At sa pagpapalakas ng team na isinagawa ng bawat koponan nitong nakaraang off-season, kailangang bagong estratehiya, bagong approaches at motivations ang kailangan ni Austria.
Malaki rin ang nabago sa kampo ng Shark sa pagkawala nina Chester Tolomia, Topex Robinson at Gilbert Malabanan at hindi pa nakakasiguro si Austria kung magagampanan ng mga bagong players ang kanilang mga papel.
"Dati, okay lang because nandiyan ang Welcoat pero ngayon kami na lang ang magdadala ng pressure," ani Austria ng Shark na natalo sa Kutitap Toothpaste at bagong koponang John-O Juzz sa pre-season tune-up matches.
Hindi kumuha si Austria ng mga bagong players kundi in-activate lamang ang Baguio discovery na si Sammy Ayodelle mula sa reserve list.
Inaasahang mapupunan nina Ismael Junio at Clarence Cole ang mga naiwang puwesto nina Tolomia at Malabanan ayon sa pagkakasunod habang si Jun Balares ay magiging aktibo bilang alternate ni Warren Ybañez sa pointguard position.
Ngunit ang lahat ng atensiyon ay mapupunta kay Rysal Castro at Irvin Sotto na inaasahang umangat bilang dominanteng sentro ng liga matapos umakyat sa PBA ang twin tower ng Welcoat na sina Yancy de Ocampo at Frederick Canlas.
Para sa kabuuan ng koponan, naririyan sina three-point shooter Rolly Basilides, Gerald Ortega, MC Caceres, Jing Rodriguez at Rico Limare.