Haharapin ng Phone Pals ang Turbo Chargers na magpaparada uli ng bagong import, bandang alas-3:45 ng hapon na susundan ng giyera ng sister teams na Gin Kings at San Miguel Beer sa tampok na laro dakong alas-5:45 ng hapon.
Tangan ng Talk N Text ang 5-1 kartada at kung mananaig sila sa Shell ay sasamahan nila ang nangungunang Purefoods TJ Hotdogs (7-1) sa eight-team quarterfinals.
Nakabaon naman sa ilalim ng standings ang Turbo Chargers at Gi-nebra sa 1-6 baraha at kung muling matatalo sa kanilang magkakahiwalay na sagupaan ngayon ay lalo pang magiging makulimlim ang tsansang makasingit ng puwesto sa susunod na round.
May five-game losing streak ang Shell, ang pinakahuling panalong natikman nila ay laban sa Coca-Cola, 90-82, noon pang Pebrero 17 at umaasa na sa pagpasok ni Lester Neal bilang kapalit ng di-epektibong si Bu Willingham ay mababago ang kapalaran ng Turbo Chargers.
Tulad ng Turbo Chargers, hangad ng Gin Kings na manalo sila laban sa Beermen upang mabigyang-buhay ang malamya nilang kampanya sa torneo at manatili sa kontensyon para sa isang silya sa quarterfinals.
Kahit na ipinarada ng Ginebra si Brian Green bilang kapalit ni Dezi Ferguson ay natalo pa rin sila sa FedEx noong Marso 23, 78-79, para sa ikatlong sunod na pagkatalo at malagay sa bingit ng maagang pagkakatalsik sa eliminations.
Hawak naman ng San Miguel ang 3-4 kartada kasalo ng defending champion Sta. Lucia Realty at napagwagian nila ang tatlo sa huling apat na asignatura, ang pinakahuli ay ang 89-67 pagdurog sa Batang Red Bull noong Marso 22 sa Lipa City upang tuluyang makabawi mula sa 0-3 simula.
Upang mapalakas ang tsansang makahirit ng puwesto sa quarter-finals, sasandal ang Beer-men sa matikas na paglalaro nina Mario Bennett at Lamont Strothers, Dorian Peña, Nic Belasco at Boybits Victoria. (Ulat ni Carmela V.Ochoa)