Ang engkuwentrong Beermen at Thunder na bahagi ng kasalukuyang Samsung-PBA Governors Cup ay sisimulan sa ganap na alas-6 ng gabi.
Dahil nakakasiguro na sa eight-team quarterfinals ang Red Bull, ang twice-to-beat advantage na ipagkakaloob sa top four teams ang kanilang minamataan habang nakalapit muna sa susunod na round ang pakay ng Beermen.
Kasalukuyang nasa ikalawang posisyon ang Thunder taglay ang 5-1 record at kung silay magtatagumpay ngayon ay muli nilang sasaluhan ang walang larong Purefoods TJ Hotdogs sa pangkalahatang pamumuno.
Bukod sa Red Bull at TJ Hotdogs, nakapagreserba na rin ng slot sa quarterfinals ang Coca-Cola Tigers na may 5-2 kartada at maaaring sumunod sa kanilang yapak ang RP-Team Hapee kung sila ay magtatagumpay kontra sa Alaska Aces na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.
Puhunan ng Thunder sa labang ito ang kanilang dalawang sunod na panalo na nais nilang dugtungan upang ipagpatuloy ang streak at ito ay nakasalalay sa dalawang imports na sina Julius Nwosu at Joe Bunn.
Inaasahang muling aangat ang dalawang imports upang parisan ang nakaraang 91-85 panalo ng Red Bull kontra sa defending champion Sta. Lucia Realty noong Linggo matapos ang 90-82 pamamayani sa RP-Hapee noong Marso 9.
Masaklap na kapala-ran naman ang natikman ng Beermen laban sa kanilang kapatid na kumpanyang Purefoods TJ Hotdogs na naka-ungos ng 70-72 tagumpay noong Marso 14.
Inaasahang ibayong paglalaro ang ipapamalas nina import Lamont Strothers at Mario Bennett upang maiahon ang kasalukuyang 2-4 record ng Beermen tungo sa kanilang kampanyang makausad sa susunod na round.