At para sa nasabing proposal, inihayag ni Manila Sports Council Chairman Ali Atienza na ang softball tournament sa darating na Manila Youth Games na nakatakda sa Abril 7-14 ay magkakaroon ng dalawang division format, isa sa high school level at isa sa collegiate category.
Mula sa high school division lalahok ang mga may edad 13-14 para sa Junior League, habang 16-18 taon naman para sa Big League.
Noong nakaraang taon, ang MayniLA Golden Girls ang siyang nanguna sa Philippine Series sa 16-18 age bracket at siyang awtomatikong seeded para sa World Series na ginanap sa Kalamazoo, Michigan kung saan nag-uwi sila ng bronze medal sa kabila ng kanilang kauna-unahang paglahok.
Umabot na sa 15 koponan sa ngayon ang nagkumpirma ng kanilang paglahok sa girls softball tournament ng Manila Youth Games, ayon kay Manila Little League Chapter President Robert Evangelista.
Ang 10 koponan na sasabak sa high school ay ang Antonio Villegas High School, Jose P. Laurel, Claro M. Recto, Juan Nolasco, Tondo High, Ramon Magsaysay, Manuel Roxas, Lakandula, Torres at Barangay High.
Pangungunahan naman ng Adamson University, second placer sa nakaraang UAAP softballfest ang limang koponan na kalahok sa collegiate division na kinabibilangan ng University of the East, Santo Tomas, Polytechnic University of the Philippines at St. Scholasticas College.