Korona napanatili ng UST Judokas

Ipinagpatuloy ng University of Santo Tomas Tigers Judokas ang kanilang supremidad nang isukbit sa ikaapat na sunod na pagkakataon ang korona ng UAAP Judo Championship matapos na igupo ang mahigpit na karibal na De La Salle University, 4-3 noong Lunes sa U.P. Human Kinetics Gym.

Sumandig ang Tigers sa husay ni heavyweight Jose Francisco Aniag nang kanyang talunin ang kalabang si Jefferson Lim sa pamamagitan ng Newaza Technique na nagkaloob sa kanila ng titulo.

Tatlo pang Thomasians ang nananatiling walang talo matapos na magaan na idispatsa ang kani-kanilang mga kalaban.

Nangailangan si middleweight skipper Steve Esteban ng 30 segundo upang pigilan si Lincus Jose Tiu, pinayukod naman ng half-middle veteran Paolo Vitug si Marcus Allan Co, habang nagtagumpay naman ang MVP na si Freddie Agoot kontra John Oliver Tan sa extralight weight bout.

Samantala, sa womens division, sinungkit naman ng koponan ng University of the Philippines ang ikatlong sunod na kampeonato nang kanilang malusutan ang University of Santo Tomas Tigresses.

Nahirang na MVP si middleweight Jennifer Sison.

Show comments