Magsisimula ang sagupaang SMBeer at Express sa ganap na alas-6 ng gabi kung saan hangad naman ng San Miguel na makatikim ng kanilang kauna-unahang panalo.
Matapos ang dalawang sunod na kabiguan, nagkaroon ng liwanag ang kampanya ng FedEx nang kanilang mailista ang dalawang dikit na tagumpay, 70-62 kontra sa Shell Velocity at 83-73 kontra sa Sta. Lucia Realty.
Ito ay dahil na rin sa tulong ng kanilang impresibong import na si Tim Moore na kanilang ipinalit kay Rhoderick Rhodes na naging epektibong katuwang ni Jermaine Walker para sa Express.
Nagpalit na rin ng import ang San Miguel sa katauhan ni Mario Bennett na siyang humalili kay Keith Hill ngunit hindi naging maganda ang resulta ng kanyang debut game sanhi ng kanilang 81-82 pagkatalo kontra Talk N Text.
Sa naturang laro, kumamada si Bennett ng 27-puntos, 20 nito ay sa first half ngunit nagmintis ito sa kanyang follow-up basket na sanay nagkaloob sa Beermen ng kanilang inaasam na panalo.
Inaasahang hihigitan pa ni Bennett ang kanyang performance gayundin si Lamonth Strothers upang tuluyan nang makapasok sa win column ang Beermen na siyang nangungulelat ngayon bunga ng 0-3 record.
Sa kasalukuyan, magkakasama ang Alaska Aces, RP Team-Hapee, Batang Red Bull at Purefoods TJ Hotdogs sa fourway logjam sa 3-1 record para sa liderato kasunod ang Coca-Cola Tigers na may 3-2 record at Phone Pals na may 2-1 kartada.