Babanderahan nina Czarina Mae Arevalo, Ma. Edna Charise Godoy at Ana Patricia Santos ang bansa sa Asia-Ocenia Group 1 qualifying event na nakatakda sa Marso 4-10 sa Tienhe Sports Center outdoor court sa Guangzhou.
Si Arevalo ay nagwagi ng team bronze medal sa nakaraang taong KL SEA Games at kampeon ng ITF Juniors sa Vietnam at Thailand. Inangat naman ni Godoy ang UST sa pagkopo ng titulo sa pamamagitan ng sweep sa UAAP at naglaro naman si Santos sa RP team sa ASEAN University Games sa kaagahan ng taong ito.
Gigiyahan ni Martin Misa, RP Davis Cup coach (1991-97) at team captain (1998-2000) ang girls team sa 11-nation tournament na magdedetermina kung aling koponan ang siyang ibabagsak o iaangat mula sa World Group sa susunod na taon.
Ang iba pang bansang kalahok ay ang Thailand, Indonesia, Hongkong, Chinese Taipei, India, Japan, Korea, New Zealand,Uzbekistan at host China.